News Releases

English | Tagalog

Bagong scan ng pelikulang "Badjao," mapapanood na sa Cinema One

September 04, 2020 AT 08 : 31 PM

The film is one of the recent Sagip Pelikula projects under ABS-CBN Film Restoration.

Tampok sina Rosa Rosal at Tony Santos sa 1957 Pinoy classic

Ang bagong scanned version ng Pinoy classic na “Badjao (The Sea Gypsies),” na unang ipinalabas taong 1957, ay mapapanood sa unang pagkakataon sa Restored Cinema block ng Cinema One ngayong Linggo (Setyembre 6), 9 pm.

Hatid ng LVN classic na pinagbibidahan nina Rosa Rosal at ng yumaong si Tony Santos Sr. ang kakaibang kwento ng pag-ibig na sumibol sa kalagitnaan ng hidwaan sa pagitan ng dalawang tribo. 

Si Hassan (Tony) ay anak ng pinuno ng tribong Badjao na nahulog ang loob kay Bala-amai (Rosa), pamangkin naman ng pinuno ng mga Moro. Bagamat handa si Hassan na ipaglaban ang pagmamahalan nila ni Bala-amai, pipilitin naman ng mga Moro na sirain ang masayang pagsasama ng dalawa.  

Nasungkit ng “Badjao” ang Best Direction award para sa National Artist na si Lamberto Avellana, pati na rin ang pagkilala bilang Best Story, Best Editing, at Best Cinematography sa 1957 Southeast Asia Film Festival na ginanap sa Japan. Ginawaran din ito ng International Prestige Award of Merit ng 1957 FAMAS Awards.

Isa ang”Badjao” sa proyektong sumailalim sa Sagip Pelikula ng ABS-CBN Film Restoration, na tumanggap ng iba’t ibang pagkilala sa pag-restore nito ng ilan sa Pinoy film classics ngunit ngayon ay isa sa mga serbisyong apektado matapos ma-deny ng Kongreso na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

Panoorin ang kwentong pag-ibig na ipinaglaban sa “Badjao,” ipapalabas na sa Cinema One ngayong Linggo (Setyembre 6), 9 pm. Mapapanood ang Cinema One sa SKYcable Channel 56, Destiny Cable Analog 37 at Digital 56. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.