Handang-handa nang makipagsabayan sa iba't-ibang P-Pop boy groups ngayong 2021 ang BGYO o naunang nakilala bilang SHA Boys.
Sa isang interview, sinabi ni Laurenti Dyogi, ang head ng Star Hunt Management Entertainment Production at Star Magic , na isa mga plano nila ang pasukin ang idol industry.
Sinimulan ng Star Hunt ang pagbuo ng boy group noong 2018. Matapos ang dalawang taon at matinding training malayo sa kanilang mga pamilya, handa na sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate na ipakita ang kanilang husay sap ag-awit at pagsasayaw sa international stage.
Unang napanood ang lima sa ASAP kung saan inawit nila ang “On” ng kilalang K-Pop group na ‘BTS.’ Umani ang grupo ng papuri mula sa manonood at iba pang artist dahil sa kanilang galing.
“Noong nakita ko silang nagperform sa ASAP, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sulit yung hirap. Hindi pwedeng hindi mo suportahan ang mga batang ito. Maiisip mo kung gaano pa sila gagaling sa susuod na dalawa o tatlong taon,” sabi ni Lauren sa isang panayam.
Tumabo naman ng halos 2 million views, 75,000 reactions, at 3,300 comments ang performance nila sa "It's Showtime" wala pang isang araw mula ito ay pinost sa social media.
Bukod dito, nakita din sila sa PBB Connect Opening Night, KTX Pre-show: P-Pop Rise, at ang huling Christmas Special.
Kahit naman hindi sila napapanood sa telebisyon, trending at pinag-uusapan linggo-linggo ng netizens ang BGYO.
Handa nang ilunsad ng BGYO ang una nilang single ngayong buwan sa isang malaking online event sa KTX.ph.