News Releases

English | Tagalog

Dokyu ng ABS-CBN na "Fedelina: A Stolen Life," wagi ng silver medal sa New York Festivals

October 14, 2021 AT 05 : 28 PM

Nanay Fedelina’s heart wrenching story as a human trafficking victim for more than six decades was one of the winners in the Biography and Profiles category.

Mga taga-ABS-CBN News, tumanggap ng iba’t ibang pagkilala  
 

Umangat na naman ang husay ng Pinoy sa paglahad ng mga tunay na kwento matapos masungkit ng dokumentaryong “Fedelina: A Stolen Life” ng ABS-CBN ang Silver World Medal sa 2021 New York Festivals World’s Best TV & Film Awards.   

Kinilala ang kwento ni Nanay Fedelina, isang lola na naatim ang kalayaan matapos inalipin sa loob ng higit anim na dekada, sa Biography and Profiles category ng naturang kompetisyon. 

Layunin ng dokyung ito mula sa ABS-CBN DocuCentral na imulat pa ang publiko tungkol sa human trafficking at bigyang pag-asa ang iba pang biktima tulad ni Nanay Fedelina. Kamakailan lang, tinanghal din ang dokyu na National Winner bilang Best Documentary Programme sa 2021 Asian Acadmey Creative Awards (AAA).  

Samantala, tumanggap din ng samu’t saring pagkilala ang mga mamamahayag ng ABS-CBN para sa kanilang dekalibreng serbisyo. Isa na rito ang “Headstart” at “TV Patrol” anchor na si Karen Davila na National Winner sa kategoryang Best News Anchor sa AAA.  

Pasado rin sa mga guro ang kapwa niya “TV Patrol” anchor na si Bernadette Sembrano na hinirang na PinakaPASADONG Mamamahayag sa Larangan ng Kamalayang Pilipino (Radyo at Telebisyon) sa 23rd Gawad Pasado.   

Napiling maging panelists naman sina Christian Esguerra, Edson Guido, at Mike Navallo sa prestihiyosong Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) Jaime V. Ongpin Journalism seminar ngayong Oktubre 14 kung saan tatalakayin nila ang mahahalagang isyu sa larangan ng pagbabalita.   

Maging sa ibang bansa, napapansin din ang husay ng mga Pilipino. Bahagi na ang Hollywood correspondent ng ABS-CBN News na si Yong Chavez ng tanyag na Hollywood Foreign Press Association (HFPA), na nasa likod ng Golden Globe Awards. Natatanging Pilipinong miyembro namang ng Foreign Press Association (FPA) sa London ang ABS-CBN Europe News Bureau senior correspondent na si Rose Eclarinal. 

Una na ring naghatid ng karangalan sa Pilipinas ang senior correspondent na si Don Tagala sa 2021 New York Press Club Journalism Awards, kung saan kinilala siya dahil sa kanyang multimedia report na “Filipino ‘Superheroes’ at the Frontlines of COVID-19 Wear Scrubs, Not Capes” sa kategoryang Community Coverage.  

Patunay lamang ang mga pagkilala na ito sa patuloy na pagpupursige ng ABS-CBN News na palakasin pa ang paglilingkod sa mga Pilipino saan man sa mundo.  

Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom