News Releases

English | Tagalog

Debut album ng BINI trending online, number one sa iTunes PH

October 18, 2021 AT 01 : 02 PM

12 kanta, pasok lahat sa top 15 ng iTunes Songs Chart PH

Gumawa ng ingay online ang debut album ng BINI na “Born to Win” matapos nitong masungkit ang number one spot sa iTunes Philippines Top Albums Chart, kasabay ng mainit na pagtanggap ng fans - trending nito sa social media. 

Nakapasok din sa listahan ng iTunes Philippines Top Songs Chart ang 12 na awitin mula sa album tungkol sa pag-ibig, pagiging palaban, pagtupad ng pangarap, at pagkakaroon ng positibong pananaw. Nakasama rin sa iTunes Top Music Videos ang debut single nilang “Born to Win” at ang feel-good na awiting “Kapit Lang.” Pumasok din ang “Born to Win” sa Top Albums Chart sa Hong Kong at Thailand.

Gumawa rin ng ingay sa Twitter Philippines ang BINI dahil nag-trending ang #BINIdebutAlbum, BINI GoldenArrowMV Out Now,  BINI BornToWin DebutAlbum, #D-DAY BINI THE ALBUM, mga awiting “B HU U R,” “Here With You,” at “Na Na Na," at ang BINI member na si Mikha.

Kasabay ng pagdating ng “Born to Win” debut album ay ang release ng music video para sa ikatlong single ng grupo na “Golden Arrow,” na nakasama rin sa playlist ng Spotify Philippines na New Music Friday at sa playlists ng Apple Music na New Music Daily at Absolute OPM.

Kasama rin sa debut album ang Bahasa, Japanese, Thai, at Spanish versions ng “Born to Win.” Nariyan din ang masayang awitin na “B HU U R” tampok ang rapper na si Kritiko, ang mga nakaka-in love na kantang “Na Na Na” at “Kinikilig,” at tagos sa pusong mga awitin na “8” at “Here With You.”

Samantala, makakabili pa rin ng tickets para sa inaabangang “One Dream: The BINI & BGYO Concert” sa Nobyembre 6 at 7. Ang SVIP tickets ay nagkakahalaga ng P1,950 o US$39.99 para mapanood ang dalawang shows at makasali sa fan meet sa KTX.PH. Available din ang VIP tickets sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV sa halagang P1,490 o US$29.99 para makapanood ng parehong shows. Napapanood din ang docu-series nilang “One Dream: The BINI & BGYO Journey” sa iWantTFC app at website.

Pakinggan na ang debut album ng BINI sa Spotify at iba pang major streaming sites. Kumuha ng updates tungkol sa BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe na sa YouTube channel nilang BINI Official.