News Releases

English | Tagalog

Chito S. Roño nakatakdang idirek ang "Darna: The TV Series"

October 04, 2021 AT 01 : 00 PM

The cameras are set to roll in early November with master director Chito, who is now making a TV comeback after almost a decade to lead one of ABS-CBN’s biggest projects for 2022. 

Bigating TV comeback ng tinaguriang ‘master director’ 

Pangungunahan ng highly-acclaimed box office director na si Chito S. Roño ang pinakahihintay na television adaptation ng Pinay superhero sa “Darna: The TV Series.”

Magsisimula na ang taping ng programa sa Nobyembre kasama ang ‘master director’ na si Chito na nasa likod ng mga matagumpay na programa ng ABS-CBN na “Imortal,” “Lastikman,” at “Spirits” at nagbabalik-telebisyon ngayon pagkatapos ng halos isang dekada para sa isa sa pinakamalaking proyekto ng Kapamilya network sa 2022. 
 
Bitbit niya ang natatanging galing sa visual effects production at pagkukuwentong may kurot sa puso na aabangan sa makabagong adaptation ng karakter na binuo ni Mars Ravelo na ang ika-115 kaarawan ay gugunitain sa darating na Oktubre 9.    
 
Ang 2013 serye na “Maria Mercedes” ang huling TV project ni Direk Chito na kinikilala rin bilang ‘master of scare’ na gumawa ng blockbuster horror flicks na “Feng Shui” at “The Ghost Bride.” Nagsilbi rin siyang director ng award-winning drama movies na “Dekada ‘70” at “Bata Bata Paano Ka Ginawa?” Siya rin ang gumawa ng family drama na “Signal Rock,” na naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category sa 91st Academy Awards.
 
Pagbibidahan ng Kapamilya actress na si Jane de Leon ang “Darna” na magbibigay-buhay sa paboritong Pinay komiks superhero na may natatanging kapangyarihan at kabutihang loob.
 
Ang JRB Creative Production ng ABS-CBN ang nakatakdang magprodyus ng “Darna: The TV Series.”  
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, o TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.