News Releases

English | Tagalog

Digitally restored 'Sa'yo Lamang,' palabas sa Sagip Pelikula Festival

November 26, 2021 AT 11 : 43 AM

Book your online tickets now at https://bit.ly/SaYoLamangKTX for only P150

Restored classics ni Boyet, tampok din sa KTX

Digitally restored na ang nakakaantig na family-drama hit mula Star Cinema noong 2010 na "Sa'yo Lamang," tampok sina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Bea Alonzo, at mapapanood na ito online bilang bahagi ng Sagip Pelikula Festival ng KTX.ph simula Nobyembre 30 (Martes).

Ang pagpapalabas nito ay bilang bahagi sa pagbibigay-pugay sa maraming dekada bilang isang premyadong aktor ni Boyet sa industriya, kung saan palabas din sa Sagip Pelikula Festival ang ilan pa sa mga natatangi niyang pelikula tulad ng "Dekada '70," "Cain at Abel," "Eskapo," at iba pa.

Mula rin sa direktor ng family-drama hit na "Tanging Yaman" na si Laurice Guillen, tampok sa "Sa'yo Lamang" ang kwento ni Dianne (Bea) at kung paano niya tinulungang itaguyod ang kanyang ina na si Amanda (Lorna) at ang kanyang mga kapatid matapos silang iwan ng kanilang ama para sa kanyang kerida.

Matapos ang sampung taon noong iwan sila, biglang nagbalik ang ama nilang si Franco (Christopher) para ayusin ang sarili at humingi ng tawad sa kanyang pamilya. Sa kabila ng mga pasabi ni Dianne na huwag pagbuksan muli ang kanilang ama, agad naman siyang binigyang pagkakataong muli nina Amanda at ng kanyang mga kapatid.

Imbes na magkaayos ay mas lumala pa ang hidwaan sa pagitan nina Dianne at Franco, na siya namang makaaapekto nang lubos sa kanilang pamilya.

Sa kabila man ng naging atraso ni Franco sa kanyang pamilya, matutunan kaya ni Dianne na mapatawad at mahalin muli ang kanyang ama, alang-alang sa kanyang ina at mga kapatid?

Maliban kina Bea, Lorna, at Boyet, pinagbidahan din ito nina Coco Martin, Enchong Dee, Miles Ocampo, Shaina Magdayao, Diether Ocampo, Zanjoe Marudo, Empress Schuck, Lauren Young, Dominic Ochoa, John Manalo, at Igi Boy Flores.

Huwag palampasin ang premiere ng digitally restored at remastered version ng "Sa'yo Lamang" ngayong Nobyembre 30, 7:30 ng gabi, sa Sagip Pelikula Festival ng KTX. Magkakaroon din ito ng pre-show tampok ang one-on-one interview kay Boyet kada screening.

Mabibili na ang tickets nito sa https://bit.ly/SaYoLamangKTX, sa halagang P150.

Samantala, mapapanood din sa Sagip Pelikula Festival ang ilan pang restored classics ni Boyet, kabilang na ang mga pelikula niyang "Hindi Nahahati ang Langit," "Kakabakaba Ka Ba?" at "Kasal?" sa KTX simula Disyembre 1 (Miyerkules).

Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa "Sagip Pelikula," i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).