Nakaramdam ang mga biktima ng bagyong Odette sa iba't ibang lugar sa bansa ng pagkalinga at suporta sa gitna ng unos dahil sa agarang pagtulong ng ABS-CBN Foundation na naglunsad ng Tulong-Tulong Sa Pag-Ahon Operation Odette.
Nakiisa ngayong Martes (Disyembre 21) ang Civil Military Operations ng 72nd Marine Battalion at 7th Marine Brigade sa ABS-CBN Foundation sa paghahanda ng relief goods na dadalhin sa Palawan.
Umarangkada na rin ang relief operations para sa mga nasalantang Kapamilya sa Southern Leyte matapos maitayo ang relief hub ng ABS-CBN Foundation sa Palo, Leyte sa pakikipagtulungan ng Radnet 5.
Nasa 600 katao rin na lumikas sa Surigao State College of Technology evacuation center ang nabigyan ng pagkain sa pakikipagtulungan ng St. Paul University Surigao. Tinatayang 500 pamilya naman mula sa Kabankalan City, Negros Occidental ang nakatanggap ng food packs sa relief operations na pinangunahan ng ABS-CBN News Public Service.
Tumulong na rin ang ibang Kapamilya stars upang marami pa ang makaalam sa relief operations ng ABS-CBN Foundation. Ilan sa mga nanawagan sina Coco Martin, Kathryn Bernardo, Ria Atayde, Robi Domingo, at Toni Gonzaga.
Si ViceGanda naman, nagsabing ido-donate niya ang kanyang talent fee sa "It's Showtime" noong Martes (Disyembre 21) sa ABS-CBN Foundation.
Samantala, nakalikom ng 2.677 million diamonds ang “PBB Kumunity Celebrity Edition” housemates sa ginawa nilang jam for a cause livestream sa Kumu na kanilang ibibigay sa ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ibibigay din ng “PBB Kumunity” ang proceeds mula sa Kumu voting sa nakaraang eviction night sa ABS-CBN Foundation para sa mga Kapamilyang naapektuhan ng bagyong Odette.
Marami pang Kapamilya ang lubos na nangangailangan ng pagkalinga at suporta upang muling makabangon. Para ipadama na andito tayo para sa isa’t isa, maaaring magbigay ng cash donations sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. sa pamamagitan ng kanilang BDO (0039302-14711), BPI (4221-0000-27), PNB (1263-7000-4128), Gcash, Paymaya, at Paypal accounts.
Para sa international donations, maaaring mag-donate online sa abscbnfoundation.org o i-text ang HELP4PH sa 24365 (US only). Sa mga gusto namang magpaabot ng in-kind donation, maaring tumawag muna sa 34114995 para sa drop-off points. Tumatanggap ang ABS-CBN Foundation ng canned goods, bigas, tubig, blankets, at hygiene kits.
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.