News Releases

English | Tagalog

Ikalimang taon ng "Tawag ng Tanghalan," mas mahigpit ang labanan araw-araw

February 09, 2021 AT 11 : 30 AM

Viewers at home, meanwhile, can also win P5,000 in cash by watching the show and joining the live conversation online

Mas mabibigat na hamon at mas maigting na kumpetisyon ang nag-aabang sa singers na lalaban sa “Tawag ng Tanghalan” dahil sa bagong mechanics na susundin sa ikalimang taon ng kumpetisyon simula ngayong linggo sa “It’s Showtime.”

Kada Lunes, apat na contestants ang magtatagisan at ang dalawang makakakuha ng pinakamataas na scores mula sa mga hurado ang magmamay-ari sa dalawang “spotlight” at aabante sa susunod na araw. Tuluyan namang magpapaalam na sa kumpetisyon ang dalawang may pinakamababang scores.

Mula Martes hanggang Biyernes naman, dalawang panibagong kalahok ang papasok at maglalaban sa unang round. Ang contestant na may mas mataas na score sa kanilang dalawa ang uusad sa ikalawang round para hamunin ang dalawang spotlight holders sa isang three-way battle.

Matinding bakbakan din ang dapat na abangan tuwing Sabado dahil ang dalawang contestants na nagmamay-ari sa spotlight ang magtutunggali sa dalawang rounds para makuha ang mas mataas na hurado score at tanghaling weekly winner.

Kada araw naman, makakatanggap ng tig-P10,000 bilang premyo ang contestants na may pinakamataas na scores. Noong Lunes (Pebrero 8), sina Cherry Rose Amorin ng Cavite at Froilan Cedilla ng Laoag City ang mga unang nagmay-ari ng spotlight sa ikalimang season ng “Tawag ng Tanghalan.”

Samantala, pwede ring maging hurado at manalo ng papremyo ang viewers sa kanilang mga bahay sa pamamagitan ng pagpo-post sa Twitter o Facebook ng comment gamit ang official hashtag of the day kasama ang pangalan ng “Tawag ng Tanghalan” contestant na sa tingin nila ay makakapasok sa top two. Isang maswerteng viewer naman ang pipiliin kada araw at magwawagi ng P5,000.

Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali sa A2Z channel sa digital at analog TV. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.

Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.