ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo teamed up with Filipino-American musical director Troy Laureta to give Morissette's “Shine” rendition a fresh gospel waltz vibe.
Kantang may hatid na liwanag, nagbabalik!
Matapos magtrending ang kanyang cover ng “Shine,” ilalabas na ni Morissette ang opisyal na recording niya ng nasabing kanta sa Biyernes (May 21) bilang selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng kanta.
Ang rendisyon ng nag-iisang Asia’s Phoenix sa “Shine” ay isang pagpapakilala muli dito tampok ang original lyrics ng awiting isinulat ng multi-awarded songwriter na si Trina Belamide.
Nakipagsanib-pwersa ngayon si Trina sa Star Music para sa kaabang-abang na reimagination ng kanta na unang inawit ni Ima Castro at binigyang-buhay rin ni Regine Velasquez-Alcasid.
Nakipagpartner naman ang OPM hitmaker at ABS-CBN Music creative director na si Jonathan Manalo sa Filipino-American musical director na si Troy Laureta para bigyan ang “Shine” ng gospel waltz vibe habang pinapanatili ang kabuuang tunog nito.
Ilulunsad ang version ni Morissette pagkatapos niyang iperform ang kanta nang ilang taon sa iba’t ibang okasyon sa bansa at abroad. May higit 7.9 million views na ang kanyang YouTube performance video ng “Shine” sa Wish Bus at naghatid din ito ng reaction videos mula sa voice coaches na galing sa iba-ibang bansa na talagang napabilib sa kanyang rendisyon.
Ang “Shine” ay isang Metropop entry na unang nirekord ni Ima at pinerform ng live ni Sweet Plantado sa 1996 Metropop Song Festival sa Araneta Coliseum kung saan hinirang itong second place.
Inawit naman ng Asia’s Songbird ang kanta taong 2004 para sa isang product commercial at naging bahagi na ng kanyang repertoire sa maraming shows simula noon.
Maririnig na ang official version ni Morisette ng “
Shine” sa iba’t ibang music streaming services simula Biyernes (May 21). May TV launch naman sa “ASAP Natin ‘To” ang music video nito sa May 30 (Linggo) at mapapanood sa YouTube channel ni Morissette.
Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (
www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).