With long-running programs and news shows of Vice, Erich, DonBelle, and JoRox
Isang taon matapos nitong ibalik sa telebisyon ang “FPJ’s Probinsyano” at iba pang mga paboritong programang ng mga Pilipino, patuloy na nagbibigay ng saya, pag-asa, at inspirasyon ang Kapamilya Channel ng ABS-CBN sa paglulunsad nito ng mga bagong palabas na magdadagdag ng kulay sa kanilang tahanan.
Bukod sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” “MMK,” “It’s Showtime,” at “ASAP Natin ‘To” na kinakapitan pa rin ng mga Pinoy, handog din ng Kapamilya Channel ngayong Hunyo ang apat na bagong programa sa pagdiriwang ng unang taon nito sa ere.
Makikanta at makisaya kasama si Vice Ganda simula Hunyo 5 sa inaabangang pagsisimula ng kauna-unahang community singing game show sa bansa na “Everybody Sing.” Dito, 25 players ang magtutulungan at sama-samang kakanta sa iba’t ibang challenges para manalo ng P500,000 para sa kanilang komunidad.
Irarampa naman ni Erich Gonzales ang bagong mukha ng karma sa “La Vida Lena” simula Hunyo 28. Una napanood sa iWantTFC ang kwento nito ng pagbabagong-anyo ni Magda (Erich) para maging si Lena, isang babaeng maghihiganti sa mga taong nagdala ng trahedya sa buhay niya. Kasama rin dito sina JC De Vera, Kit Thompson, Carlo Aquino, Agot Isidro, Raymond Bagatsing, at Janice de Belen.
Mabubusog naman sa kilig at good vibes ang viewers sa romcom na “Hoy, Love You” nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo-Yap kasama sina Karina Bautista at Aljon Mendoza. Susundan nito ang kwento ng dalawang single parents na makakahanap ng bagong pag-ibig at mapapanood na sa Hunyo 19 ng 10 PM.
Gumawa naman ng ingay sa social media ang pagsisimula ng inaabangang serye nina Donny Pangilinan at Belle Mariano na “He’s Into Her.” Masusubaybayan ng mga manonood ang asarang mauuwi sa pag-iibigan nina Maxpein at Deib sa siyam pang episodes na ipapalabas tuwing Linggo ng 8:45 PM sa Kapamilya Channel.
Mapapanood ang lahat ng ito sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 on SD and channel 167 on HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, and most cable operator-members under Philippine Cable and Telecommunications Association). Umeere rin dito ang bagong episodes ng ABS-CBN shows na “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Huwag Kang Mangamba,” “Init Sa Magdamag,” “Count Your Lucky Stars,” “It’s Showtime,” “MMK,” “ASAP Natin ‘To,” “Paano Kita Mapasasalamatan,” “Iba ‘Yan,” at “We Rise Together.”
Isa ang Kapamilya Channel sa platforms kung saan nae-enjoy ang mga palabas ng ABS-CBN sa patuloy nitong paghahanap ng paraan na maabot ang mga Pilipino nasaan man sila. Kamakailan, inilunsad ng ABS-CBN ang "Andito Kami Para Sa' Yo" plug sa social media, isang taon matapos itong mawala sa ere, para ipaalala sa mga Pilipinong andito pa rin ang ABS-CBN para maglingkod at magpalabas ng mga programa sa free TV, cable TV, at online.
Napapanood din ang mga programa ng ABS-CBN sa TV5 at A2Z sa free TV, cable, at digital TV boxes, Jeepney TV at CineMo sa cable, sa Kapamilya Online Live sa Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment, at sa streaming platforms na iWantTFC, WeTV, at iflix.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.