News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, magbibigay-pugay sa galing ng Pilipino ngayong Hunyo

June 11, 2021 AT 07 : 00 PM

To commemorate Independence Day on June 12, ABS-CBN launched a video within “TV Patrol” on Friday (June 11) that shows how the greatness of Filipinos brings light to the world.

Sa paggunita sa Araw ng Kalayaan…

Magbibigay-pugay ang ABS-CBN ngayong Hunyo sa mga Pilipinong nagdadala ng karangalan sa bayan sa pamamagitan ng pagpiling maging mabuti sa kanilang larangan, sa kanilang tungkulin, at sa kanilang kapwa, tulad ng ating mga bayani.

Bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, inilunsad ng ABS-CBN ngayong gabi (Hunyo 11) sa “TV Patrol” ang isang video na nagpapakita kung paanong nagliliwanag para sa mundo ang galing ng Pilipino.

Kabilang diyan ang mga mangingisda at magsasaka na patuloy ang pagkayod at pagharap sa panganib upang mabigyan ng pagkain ang kanilang pamilya at ang bayan. Pati na rin ang mga kababayan nating piniling sagutin ang tawag ng tungkulin sa kabila ng nagbabadyang kapahamakan, gaya ng healthcare workers at mga sundalo.

Nagniningning din ang kabutihan ng mga Pilipinong nagbibigay sa kapwa kahit sila mismo ay kapos at nangangailangan, tulad ng mga nagtatag at sumuporta sa mga community pantry sa iba-ibang parte ng bansa. Gayundin ang mga manggagawa, empleyado, at overseas Filipinos na kinikilala saan man sa mundo dahil sa kanilang husay, sipag, at dedikasyon sa kanilang trabaho

Samantala, ibibida rin ang galing ng Pilipino sa mga plataporma ng ABS-CBN. Sa TFC (The Filipino Channel), mapapanood ang mga kwento ng Global Pinoys na naghatid ng liwanag sa mundo sa pamamagitan ng kanilang husay at mabubuting katangiang likas na sa mga Pilipino.  

Maging inspirasyon ang galing at kabutihan ng mga Pilipino ngayong buwan ng Hunyo kaisa ng ABS-CBN. Panoorin ang “Ang Galing ng Pilipino, Nagliliwanag Para sa Mundo” Independence Day video na likha ng ABS-CBN Creative Communication Management division sa iba-ibang ABS-CBN platforms sa TV at online. Para sa Kapamilya updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom