Nag-viral na delivery riders, naging songbayanan
Isang Vice Ganda na nag-damit Princess Diana ang naging People’s Princess matapos niyang bigyan ng P50,000 bilang dagdag papremyo ang grupo ng janitors at cleaners na sumali bilang songbayanan sa “Everybody, Sing!” noong Sabado (Hunyo 12).
Nabigo man ang songbayanan na mahulaan ng tama ang lahat ng titulo ng kanta sa jackpot round, panalo pa rin sila dahil dinagdagan ng Phenomenal Box-Office Star ang premyo nilang P30,000.
“‘Yung P30,000 na napanalunan, dadagdagan ko ng P50,000. Regalo ko na sa inyo ‘yan.”
Nagpasalamat din si Vice sa kanilang pagsasakripisyo at kasipagan upang masigurong malinis ang kapaligiran. “Happy ako na nakilala ko kayo, nasilayan, at naka-chikahan ko kayo ngayong araw na ito. Thank you very much!”
Dagdag pa niya, “Nakasalalay sa inyo ang kaligtasan at kalusugan namin lalong lalo na ngayon.”
Samantala noong Linggo (Hunyo 13), P30,000 naman ang naiuwi ng mga delivery rider sa jackpot round, na anim lamang ang nahulaan sa sampung kanta.
Kabilang sa kanila ang rider na si Marvin Ignacio na nasangkot sa viral ‘lugaw’ incident pati na ang rider na si Jeffrey na kumalat din ang larawan sa social media habang kinakain ang kinanselang order ng kostumer sa gilid ng isang fast food.
Ani Jeffrey, matapos mag-viral, maraming nagpaabot ng tulong pinansyal sa kanya pero nagdesisyon siyang ibahagi ito sa iba pang nangangailangan.
“Pinamigay ko rin, Ma’am [Vice]. Nagpamigay din po ako ng sampung sako ng bigas sa mga ka-lugar ko,” ani Jeffrey.
Orihinal na konsepto ng ABS-CBN at tunay na Pinoy made ang “Everybody Sing!” na may layuning bigyang-diin ang kahalagahan ng bayanihan at pagtutulungan, lalo na sa panahon ng pandemya.
Sa susunod na mga linggo, grocery frontliners, fitness instructors, massage therapists, at security guards ang sasabak sa kantahan sa “Everybody, Sing!” kasama si Vice at ang resident band na Six Part Invention. Makuha kaya nila ang kalahating milyong jackpot? Abangan sa “Everybody, Sing!” tuwing Sabado, 8 pm at Linggo, 7:30 pm sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
Para sa latest tungkol sa “Everybody, Sing!” i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.