Mapapanood din sa Pilipinas sa SKY PPV and Cignal Cable PPV
Pagkatapos ipalabas sa Bucheon International Fantastic Film Festival sa South Korea, magpapakilabot na rin sa buong mundo ang kwento tungkol sa tatlong batang magnanakaw sa suspense thriller na “Tenement 66” ngayong Hulyo 23 sa iWantTFC, KTX.ph, at TFC IPTV. Magiging available din ito sa Pilipinas sa SKY Pay-Per-View at Cignal Cable Pay-Per-View.
Isang malagim na lihim ang matutuklasan ng tatlong teenagers na sina Francis Magundayao, Noel Comia Jr., at Francine Diaz sa “Tenement 66” ng award-winning direktor na si Rae Red.
Malalagay sa panganib ang buhay ni Lea (Francine) pagkatapos niyang kumbinsihin sina Teban (Francis) at Ron-Ron (Noel) na pasukin at nakawan ang apartment unit ng kahina-hinala nilang kapitbahay na si Nando (Lou Veloso), matapos niya itong mahuling magnakaw ng malaking halaga ng pera.
Hindi agad pumayag ang dating kriminal na si Teban sa alok ni Lea dahil nangako na siyang magbabagong buhay pagkatapos niyang makalaya sa bilangguan. Ngunit dahil biglang nangailangan ng pera para matustusan ang panggagamot ng kapatid niyang may malubhang sakit, mapipilitan ding sumama ni Teban sa krimen.
Sa pagpasok nina Lea, Teban, at Ron-Ron sa unit, sasalubungin din sila ng mga nakakapangilabot na kababalaghan at masalimuot na sikreto na matagal nang itinatago ni Tatay Nando, na gagawin din silang hostage.
Makaalis pa kaya nang buhay sina Lea, Teban, at Ron-Ron?
Ang “Tenement 66” ay isang iWantTFC original movie sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at Epic Media. Tampok din sa pelikula sina Jess Mendoza, Topper Fabregas, Raffy Tejada, Martha Comia, at Ross Pesigan.
Makakabili na ng tickets sa halagang P249 or US$ 4.99 sa iWantTFC, KTX.ph, at TFC IPTV para sa mga gustong manood sa loob at labas ng Pilipinas at P250 naman para sa SKY Pay-Per-View at Cignal Cable Pay-Per-View sa Pilipinas. Magiging available ang palabas sa loob ng 48 hours.
Panoorin ang worldwide premiere ng “Tenement 66” sa iWantTFC, KTX.ph, TFC IPTV, SKY Pay-Per-View, at Cignal Cable Pay-Per-View ngayong Hulyo 23. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.