News Releases

English | Tagalog

Julia Montes balik-TV, makakatambal si Coco sa “FPJ's Ang Probinsyano"

July 30, 2021 AT 08 : 23 AM

The long wait is over for CocoJul fans!

Mangyayari na ang pinakahihintay na balik-tambalan sa telebisyon dahil mapapanood na si Julia Montes sa “FPJ’s Ang Probinsyano” bilang ang bagong leading lady ni Coco Martin sa ikaanim na taon ng longest-running action-drama series sa bansa.
 
Kinumpirma ng Dreamscape Entertainment ang pagpasok ni Julia sa serye nang ilabas nito sa social media ang mga litrato ng aktres sa story conference at pictorial ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na ginanap ngayong Biyernes (Hulyo 30) sa ABS-CBN.
 
Ito ang magsisilbing TV reunion project nina Julia at Coco pagkatapos ng ilang taong panawagan ng fans na pagtambalin silang muli kasunod ng phenomenal TV drama na “Walang Hanggan” noong 2012.
 
Bukod kay Julia, papasok din sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ang mga bagong karakter nina Tommy Abuel, Rosanna Roces, Vangie Labalan, Marela Torre, at Joseph Marco.
 
Sa ikaanim na taon ng serye ngayong Setyembre, dadaan sa mas matitinding pagsubok si Cardo (Coco) at ang Task Force Agila sa patuloy na pakikipaglaban nila para sa bayan.
 
Nananatiling matibay ang pagsasama ng “FPJ’s Ang Probinsyano” at mga Pilipino, mula sa pangunguna nito sa telebisyon hanggang sa online.
 
Patuloy na kinakapitan ang saya, aksyon, at mahahalagang aral ni Cardo sa Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, kung saan sunod-sunod na sinira ng programa ang sarili nitong record ng pinakamaraming viewers na sabay-sabay na nanonoood. Noong 2020, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” rin ang naging kauna-unahang Pinoy teleserye na ni-livestream sa naturang video-streaming site.
 
Patuloy ring pinapanood ang pakikipagsapalaran ni Cardo hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo sa pamamagitian ng The Filipino Channel, Netflix, at pagpapalabas sa Myanmar, Laos, Vietnam, Thailand, at 41 bansa sa Africa.
 
Ano ang magiging papel ni Julia sa “FPJ’s Ang Probinsyano”? Huwag palampasin ang pambansang teleserye gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.