News Releases

English | Tagalog

Mga haligi ng DZMM, ginunita ang ika-35 anibersaryo ng istasyon

July 30, 2021 AT 03 : 15 PM

Despite DZMM going off-air in 2020, the people behind the station have continued to provide news and public service through TeleRadyo, which can be viewed on cable TV, online on Facebook, YouTube, and iWantTFC, and overseas via TFC. It also has audio streaming on the ABS-CBN Radio Service App and the ABS-CBN News App.

TeleRadyo, tuloy ang pagbabalita at serbisyo publiko

Binalikan nina Noli “Kabayan” De Castro at Peter Musngi sa TeleRadyo ang makulay na kasaysayan ng DZMM kamakailan lang sa pag-gunita ng ika-35 anibersaryo ng himpilan. 

Sa kaniyang programang “Kabayan,” inalala ni Noli ang pagpasok niya sa istasyon noong 1986 kung saan naging kasabayan niya ang isa pang alamat sa radyo na si Tiya Dely Magpayo.

"July 22, 1986 nang magsimula ang DZMM. Tapos yung "MM" nilagyan ng meaning na "Malayang Mamamayan,'" aniya.

Kwento pa niya, kababalik pa lamang sa ABS-CBN ng istasyon noon sa pagtatapos ng Martial Law kaya ang kagamitan nila ay wala pa sa maayos na kondisyon.

“Ganun ho, wala pa kaming mga gamit noon. Wala pati mga opisina noon, walang upuan."

Sa “HaPinay” naman kasama sina Winnie Cordero, May Ceniza, at Rica Lazo ibinahagi ni Peter ang pinagmulan ng himpilan.

“Ang DZMM noon ay isang music station,” sabi ng dating station manager ng DZMM. “Ang talagang lolo ng DZMM ang DZAQ. Ang DZAQ noon ang siyang nagsilang ng Radyo Patrol noong panahon ng Ruby Tower, First Quarter Storm.”

Mula nang mabawi ito ng ABS-CBN noong 1986, nakilala na ang DZMM bilang una sa balita at sa public service dahil sa pagtutok nito sa pinakamalalaking balita at mahahalagang pangyayari sa bansa, at sa paghahatid nito ng impormasyon at tulong sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ito rin ang unang nagdala ng radyo sa telebisyon sa paglulunsad ng TeleRadyo noong 2007, na ngayon ay sinundan na ng ibang istasyon sa radyo sa Pilipinas.

Kaya sa kabila ng pagpapatigil sa pag-ere ng DZMM sa radyo at hindi pagbigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN noong 2020, patuloy pa ring nakapaghahatid ng balita at serbisyo publiko ang mga bumubuo ng istasyon sa pamamagitan ng TeleRadyo, na napapanood sa cable, Facebook, YouTube, TFC, at iWantTFC. Maaari ring makinig dito gamit ang ABS-CBN Radio Service App at ABS-CBN News App.

"Patuloy pa rin kaming maglilingkod at hindi mawawala ang aming paglilingkod kahit sa papaanong paraan," sabi pa ni Kabayan.

Nananalig naman si Peter na muling maririnig sa radyo ang DZMM.

“Happy anniversary! Soon tayo ay magbabalik pa rin. Paniwalaan natin yan,” ani ng “Pasada sa TeleRadyo” anchor.

Maliban sa cable at online, napapanood din ang TeleRadyo shows na “Sakto,” “TeleRadyo Balita,” at “Kabayan” mula  6 am hanggang 9 am, Lunes hanggang Biyernes, sa Kapamilya Channel.

Para sa ABS-CBN updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE