News Releases

English | Tagalog

Coco tumanaw ng utang na loob sa mga Pilipino, nangako ng mas kaabang-abang na "FPJ's Ang Probinsyano"

August 18, 2021 AT 02 : 01 PM

Wagas na pasasalamat ang inialay ni Coco Martin sa lahat ng Pilipinong nagmamahal at sumusuporta sa “FPJ’s Ang Probinsyano” habang pinaghahandaan niya ang makasaysayang ikaanim na taon ng serye ngayong Setyembre.

 

“‘Yan ang Pilipino. Marunong tumanaw ng utang na loob kung ano man ang ibinigay sa ‘yo at kung anuman ang ginawang maganda sa ‘yo. At mahirap kalimutan ‘yun. Habangbuhay kong tatanawin ng utang na loob. Maraming salamat po,” pahayag ng pasasalamat ni Coco.

 

Inimbitahan ni Coco, na nagsisilbing isa sa mga direktor at ang creative head ng serye, ang mga manonood sa buong mundo na abangan ang bagong kwento at mga bagong karakter, kung saan makakasama ang bagong leading lady niyang si Julia Montes.

 

“Sisiguraduhin naming mas magiging kaabang-abang, mas maganda, mas maaksyon, mas madrama. Sisiguraduhin po namin na hindi po namin kayo bibiguin. Maraming maraming salamat po sa lahat ng inyong suporta at pagmamahal na ibinibigay sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano,” sabi ni Coco.

 

Sa pagpapatuloy naman ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong linggo, isang malaking misyon ang kailangang pagtagumpayan nina Cardo, Lia (Jane De Leon), at ang buong Task Force Agila dahil kahit nagdadalamhati, lulusubin nila ang kampo ni Vera (Simon Ibarra) para bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid ni Lia na si Audrey.

 

Samantala, nagkakagulo naman sa Palasyo dahil matagumpay na nakatakas si Presidente Oscar (Rowell Santiago) at hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam sa kanyang kinaroroonan. Kailangan namang mag-unahan nina Renato (John Arcilla) at Lily (Lorna Tolentino) na mahanap ang tunay na presidente dahil kung hindi ay malalagot ang mga plano nila.

 

Huwag palampasin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.