News Releases

English | Tagalog

Mga babaeng atleta ng bansa, bibigyang pugay sa "MMK"

August 07, 2021 AT 10 : 14 AM

Matapos itampok muli ang buhay ng kauna-unahang Pilipino na nakapag-uwi ng gintong medalya mula sa Olympics noong nakaraang Sabado, patuloy na bibigyang pugay ng "MMK" ang atletang Pilipino sa paghahatid muli ng mga nakakapukaw na kwento ng buhay nina Nesthy Petecio at Margielyn Didal. 

Sa darating na Sabado (Agosto 7), matutunghayan muli ang kwento ni Nesthy na binigyang buhay ni Jane de Leon. Panoorin kung paano nito hinarap ang hamon para iahon mula sa hirap ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagpasok sa boxing at ano ang kanyang pinagdaanan bago maging kauna-unahang Pinay na boksingero na makakuha ng silver medal sa Olympics. 

Tampok naman sa Agosto 21 ang kwento ng skateboader at Asian Games gold medalist na si Margielyn Didal na unang ipinalabas noong 2018. Balikan ang mga pinagdaanan na hirap ni Margielyn (Elisse Joson) para patunayang may kinabukasan sa kanyang pagske-skateboard. 

Samantala, ibinahagi ni Hidilyn sa panayam sa kanya ni Charo Santos nang ipalabas muli ang kanyang kwento sa “MMK” nitong Hulyo 31, na sa kanyang training para sa Tokyo Olympics, may mga sakripisyo siyang kinailangang gawin. “Nasa isolated places kami, sinabi ng coach ko na kailangan ang isolated training kasi kailangan kong makapag-focus….matagal ko ring hindi nakasama ang family ko,” sinabi ni Hidilyn. Pero mahalaga rin sa kanya ang pagkakapanalo niya bilang isang babae. “Importante na ipakita sa mga Pilipino na kaya ng kababaihan  na magbuhat at kaya ng kababaihan na manalo sa Olympics,” dagdag pa nito.  

Umabot na sa 6.4 million views ang trailer ng "MMK" episode ni Hidilyn Diaz at nasa mahigit 200,000 views naman ang trailer ng episode ni Petecio. 

Panoorin ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV. 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Tiktok, at Instagram o magpunta sa www.abs-cbn.com/newsroom