Handog muli ng ABS-CBN Film Restoration sa mga manonood ngayon ang isa pang makabagbag-damdaming family-drama sa premiere ng digitally restored at remastered version ng "Way Back Home," na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Julia Montes, sa bagong edisyon ng Sagip Pelikula Festival ng KTX.ph simula Setyembre 14 (Martes).
Mula sa istorya nina Anna Karenina L. Ramos, Dang Bagas, Vanessa R. Valdez, at sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng, tampok sa pelikula ng Star Cinema noong 2011 ang kwento ng nawalay na magkapatid na sina Ana at Jessica (Kathryn at Julia).
Bago magkrus muli ang landas dalawa, hindi maalis sa isipan ni Jessica kung paano siya nagkasala sa pagkawala ng kanyang kapatid noon kaya't pilit nitong pinupuno ang kakulangang nadadama ng kanyang ina na si Amy (Agot Isidro). Samantala, hindi naman matandaan ni Joanna ang naging nakaraan niya habang siya'y simpleng namumuhay kapiling ang magulang niyang mangingisda, bilang Ana Bartolome.
Magtatagpo muli ang dalawa sa isang swimming competition kung saan pareho sila kalahok. Doon naman din mararamdaman ni Amy ang lukso ng dugo kay Ana, na siya ang nawawala niyang anak na si Joanna. Pagbalik ni Ana sa piling ng kanyang tunay na pamilya, imbes na ikatuwa, mas ikinalungkot ito ni Jessica matapos ituon ang kanilang pansin sa nawalay niyang kapatid.
Sa kabila ng tensyon sa pagitan nina Ana at Jessica, mahanap kaya nilang muli ang daan patungo sa kani-kanilang mga puso at tuluyang mabuo ang kanilang pamilya?
Kasama rin nina Kathryn at Julia sina Agot Isidro, Lotlot de Leon, Tonton Gutierrez, Sam Concepcion, Enrique Gil, Bella Flores, Ahron Villena, Jairus Aquino, at Clarence Delgado.
Isama na ang buong pamilya sa panonood ng family-drama film na "Way Back Home" simula Setyembre 14, 7:30 ng gabi sa Sagip Pelikula Festival ng KTX. Magkakaroon din ito ng preshow kasama ang manunulat nitong si Vanessa Valdez at si Direk Jerry Lopez Sineneng bago ang screening. Mabibili na ang mga ticket nito sa https://bit.ly/WBHPremiere sa halagang P150.
Maliban sa "Way Back Home," handog pa ng Sagip Pelikula Festival ang ilan pang restored classics para sa mga manonood ngayon, tulad ng "Flames: The Movie," "And I Love You So," "Soltera," "Paano Kita Iibigin," "One More Chance," "Miss You Like Crazy," "A Love Story," "Ang Pulubi at ang Prinsesa," at "Labs Kita... Okey Ka Lang?" simula Setyembre 15 (Miyerkules) sa KTX.
Kamakailan ay ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), at ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa "Sagip Pelikula," i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).