News Releases

English | Tagalog

"Marry Me, Marry You" pinaiyak at pinatawa ang viewers, trending sa social media

September 14, 2021 AT 06 : 30 PM

Viewers sang the praises of the episode on social media, commending its stars, touching storyline, and lessons about unconditional love and family.

Tagos sa puso ng mga manonood ang kwentong pampamilya nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez sa Kapamilya teleseryeng “Marry Me, Marry You,” pagkatapos mag-trend sa Twitter ang unang episode nito noong Lunes (Setyembre 13).

Magkahalong saya at kirot ang naramdaman ng viewers sa panonood ng pilot episode kung saan ipinakilala ang masayang pamilya ni Camille (Janine) kasama ang mga ninang niyang sina Elvie, Marvi, at Paula (Cherry Pie Picache, Vina Morales, at Sunshine Dizon), bago pumanaw ang ina ng dalaga dahil sa sakit na cancer.

Ibinahagi ng netizens sa social media ang mga papuri para sa nakakaantig na kwento ng serye at mahahalagang aral tungkol sa pagmamahal at pamilya.

“Napanood ko na po ang advance episode sa iWantTFC, pinanood ko ulit sa Kapamilya Channel, kudos @DreamscapePH. The series is so refreshing, very light pero nakakadurog ng puso,” ayon sa Twitter user na si @denydaveee.

Sabi naman ni @JustBGYO, “This new teleserye of ABS-CBN is just so good. This is very poignant and a feel-good kind of teleserye. Nakakaiyak. Nakakatuwa. Daming learnings. All the elements of a great series nandito na sa Marry Me Marry You. KUDOS TO ABS-CBN!”

“Sobrang nakakatuwa ‘yung role ni miss Sunshine, miss Picache, miss Vina, maganda ‘yung collab nilang tatlo! Kahit kailan talaga maganda gumawa ng mga teleserye ang ABS-CBN. Tsaka ‘yung flow nakakalambot ng puso, may mga aral talagang mapupulot sa teleseryeng ito!” komento ni Roniel Estaniel sa YouTube.

Para naman kay @mikgeloJKakinte sa Twitter, “Ang ganda ng Marry Me Marry You. Pang K-drama ang atake at makaka-relate dito ang buong pamilya, ito ‘yung need natin na teleserye light lang. #MMMYFamily.”

Sa pagpapatuloy ng kwento, magkikita sa unang pagkakataon si Camille at si Andrei (Paulo), ang supladong CEO ng isang tech company. Hindi agad magkakasundo ang dalawa pero magiging interesado si Andrei sa buhay ng dalaga matapos mapunta sa kanya ang pagmamay-aring bracelet ni Camille na kapareho ng sa kanya mula sa pagkabata.

Subaybayan ang “Marry Me, Marry You” gabi-gabi ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Marry Me, Marry You.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.