News Releases

English | Tagalog

Jeremiah, Lotlot, Miles, at Michelle, tampok sa "MMK' ngayong Oktubre

September 28, 2021 AT 02 : 16 PM

Bibida sina Jeremiah Lisbo, Lotlot de Leon, Miles Ocampo, Kim Chiu, Bela Padilla, at Zanjoe Marudo sa mga kwentong pag-ibig, pamilya, at misteryo ngayong Oktubre sa "MMK."

 

Sa unang handog ng "MMK," mapapanood ng viewers ang storya ng PBB ex-housemate, Ralph Malibunas na gagampanan ni Jeremiah. Mula ng magka-isip si Ralph (Jeremiah) ay pinangarap na niya maging isang aktor para mapasaya ang inang si Grace (Lotlot). Ngunit tila naging mailap sa kanya ang swerte at palagi siyang hindi nakakapasok sa audition ng "PBB." Alamin ang iba pa niyang pinagdaanang pagsubok bago maging isang housemate ni Kuya sa Oktubre 2. 

 

Isang kakaibang pagmamahalan naman ang matutunghayan ng Kapamilya sa pag-iibigan ng flight attendants at YouTube vloggers na sina Tanch Lobete (Michelle) at Sarah Garcia (Sarah) sa Oktubre 23. Dumaan man sa pang-aalipusta sa kanilang kasarian, magsisilbing inspirasyon sina Tarah at Sarah na pwedeng umibig ang dalawang babae sa isa't isa at posible nilang mahanap ang pag-ibig at seguridad sa kanilang relasyon.  

 

Bukod sa bagong episodes, mababalikan din ngayong Oktubre ang mga kwentong may halong kababalaghan kung saan bumida sina Kim at Bela. Bata pa lang, palagi nang nananaginip si Sarah (Kim) ng mga mangyayari sa hinaharap. Sa paglipas ng taon, mas lumala ang kanyang mga nakita at kalaunan ay naka-apekto sa kayang kalusugan. Panoorin sa Oktubre 8 kung paano niya nasolusyunan ang kanyang pinagdaanan.

 

Kwento naman tungkol kay Charo (Bela), sa isang researcher na napadpad sa Tawi-Tawi ang mapapanood sa Oktubre 16. Sa kanyang pamamalagi sa probinsya, nakasalubong siya ng isang matandang nagbigay sa kanya ng amulet. Sa una, inakala niyang ito ay magbibigay sa kanya ng swerte ngunit makalipas ng ilang buwan ay natanggal pa siya sa trabaho. Alamin kung ano ang ginawa niya sa amulet matapos nang nangyaring kamalasan sa kanyang buhay.

 

Ang nagdidiwang naman ng ikalabinlimang taon niya sa industriya na si Zanjoe ay mapapanood naman sa Oktubre 31. Pwedeng balikan ng viewers ang kanyang pagganap bilang Viktor, isang amang naghangad na mabigay ang pangangailangan ng pamilya ngunit naloko ng mga taong kanyang tinulungan. Patutunayan ni Viktor na kaya niyang malagpasan ang nangyari sa kanyang buhay at patuloy na ibigay ang pinapangarap niyang buhay para sa kanila. 

 

Panoorin ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV. 

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Tiktok, at Instagram o magpunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.