With many families still in evacuation centers and in need of assistance, ABS-CBN Foundation continues its relief operations in affected areas in Palawan, Visayas, and Mindanao. As of January25, a total of 141,634 families or 708,170 Filipinos have received food and basic necessities thanks to donations.
“PBB Kumunity” housemates, tutulong din sa mga sinalanta ng Bagyong Odette
Mahigit isang buwan matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nananatili sa mga evacuation center at nangangailangan ng tulong sa kanilang pagbangon.
Kaya naman tuloy-tuloy pa rin ang relief operations ng ABS-CBN Foundation, na noong Enero 25 ay nakapaghatid na ng ayuda sa 141,634 na pamilya o 708,170 na Pilipinong naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang lugar sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Kabilang sa kanila ang gurong si Alnie Espiel mula sa Siargao Island, na nanunuluyan pa rin sa kapitbahay habang unti-unting inaayos ang kanilang tahanan.
Matapos niyang manawagan sa TeleRadyo, agad na dumayo ang ABS-CBN Foundation sa Brgy. Cancohoy, Del Carmen dala ang pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw para sa kanilang komunidad.
“Narinig po niyo ‘yung panawagan ko na kaunting tulong po para sa mga kababayan ko po. Maraming, maraming salamat po sa tulong ninyo na nakarating din po sa amin,” sabi niya sa ulat sa “TV Patrol.”
Ganito rin ang sitwasyon sa Brgy. Tangbo, kung saan bukod sa pantawid sa araw-araw ay nangangailangan din ang mga nasalanta ng materyales sa pagkumpuni ng kanilang mga bahay.
“Ako’y nagpapasalamat sa lahat ng nagbibigay ng mga ayuda. Kabahagi sila ng karugtong ng buhay namin. Patuloy kaming umaasa, patuloy kaming nanghihingi ng tulong,” ika ng kapitan nilang si Lalo Congresso sa panayam ng ABS-CBN News.
Samantala, patuloy pa rin ang 100 araw na fundraising activities para sa Odette survivors ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation sa ilalim ng kampanyang “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan.” Hanggang Biyernes (Enero 28) magpapakilig ang Kapamilya heartthrobs sa “Truth or Dare” benefit interactive show tampok pa sina Edward Barber, Robi Domingo, and Luis Manzano.
Bago sila, nakiisa rin ang iba pang ABS-CBN leading men na sina Joshua Garcia, Anthony Jennings, Jeremiah Lisbo, JC Alcantara, at Aljon Mendoza, Paulo Avelino at JC De Vera, Zanjoe Marudo, Hyubs Azarcon, LA Tenorio, at Daniel Padilla, Joao Constancia, Jameson Blake, Jeremy Glinoga, at Seth Fedelin, Gerald Anderson at Jake Cuenca, BGYO, at ang grupo nina Carlo Aquino, Jerome Ponce, at Nikko Natividad.
Online selling naman ang gagawin ng housemates ng “PBB Kumunity Season 10” mula Sabado (Enero 29) hanggang Pebrero 7 tuwing 8 pm sa @PBBKumuRoom sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC, at SKYcable HD ch. 955 at SD ch. 155.
Una nang nagbigay aliw habang nangangalap ng donasyon para sa mga naapektuhan ng bagyo ang “ASAP Natin ‘To” family sa kanilang “By Request” benefit concert series, na nakalikom ng P5.18 milyon sa loob ng sampung gabi at magkakaroon din ng part two.
Sa kabuuan, umabot na sa P75,944,000 ang cash donation na natanggap ng ABS-CBN Foundation noong Enero 25 habang nagkakahalaga naman ng P15,687,000 ang in kind donations tulad ng bigas, de lata, tubig, hygiene kits, at kumot.
Maaari ring makatulong sa pag-avail ng Tulong Bag donation vouchers sa Lazada at Shopee na may katumbas na food pack (bigas at canned goods) para sa isang indibidwal o isang pamilya. Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa opisyal na pages ng ABS-CBN Foundation sa Facebook (https://www.facebook.com/abscbnfoundationinc), Twitter (https://twitter.com/ABSCBNFI_ph), at Instagram (https://www.instagram.com/abscbnfoundation) o pumunta sa https://foundation.abs-cbn.com. Ang DSWD Authority/Solicitation Permit No. ng kampanyang ito ay DSWD-SB-SP-00026-21, na valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.