News Releases

English | Tagalog

Restored classics ng Sagip Pelikula, mapapanood na rin sa Netflix

October 13, 2022 AT 10 : 40 AM

Up until the end of 2022, ABS-CBN Film Restoration and its Sagip Pelikula initiative will introduce an array of restored Pinoy films of all genres on Netflix

Kabilang ang 'Oro, Plata, Mata,' 'Himala,' 'One More Chance,' 'Dubai,' at iba pa
 
Mapapanood na rin ang ilan pang restored classics ng ABS-CBN Film Restoration sa global streaming platform na Netflix, tampok ang ilang de-kalibreng pelikula sa drama, comedy, romance, horror, at iba pa.

Isa sa mga unang inilabas nito sa Netflix ay ang award-winning 1982 film na "Oro, Plata, Mata" sa direksyon ni Peque Gallaga at panulat ni Jose Javier Reyes, na pinagbidahan noon nina Cherie Gil, Sandy Andolong, Liza Lorena, Ronnie Lazaro, at Joel Torre.

Patuloy ang Sagip Pelikula na maghatid ng iba't ibang digitally restored classics nito sa naturang platform hanggang sa katapusan ng taon, kabilang na ang ilan pang natatanging obra tulad ng "Himala" ng National Artist na si Nora Aunor, at "Markova: Comfort Gay" ni Comedy King Dolphy.

Ipapalabas din ang ilang all-time romantic hits ng Star Cinema na nagpakilig at nagpaiyak sa mga manonood noon, tulad ng "One More Chance," "Now That I Have You," "Dubai," at "Hihintayin Kita Sa Langit."

Tampok din ang ilang pelikulang pang-comedy tulad ng "Ang Cute Ng Ina Mo!" at "Sakal, Sakali, Saklolo," pati ang horror blockbuster noon na "Feng Shui."

Lahat ng remastered titles na ito, mapapanood on-demand sa Netflix para sa mga subscriber sa Pilipinas at sa ibang bahagi ng Southeast Asia.

Maliban sa Netflix, patuloy pa rin na ipapalabas ang digitally restored classics sa KTX.ph na may kasamang special pre-show interviews.

Ipinagdiriwang ng Sagip Pelikula ang ika-11 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).