News Releases

English | Tagalog

"Cattleya Killer" ng ABS-CBN, may premiere screening sa MIPCOM Cannes 2022

October 14, 2022 AT 01 : 46 PM

Unang Pinoy drama series na ipapalabas sa prestihiyosong MIPCOM Cannes 
 

Patuloy ang pagpapamalas ng ABS-CBN sa husay ng Pilipino sa paglikha ng mga dekalidad na kwento dahil magkakaroon ng premiere screening ang pilot episode ng “Cattleya Killer” sa prestihiyosong MIPCOM Cannes, ang pinakamalaking content market sa mundo, sa Oktubre 19.

Papanoorin ang “Cattleya Killer,” na pinagbibidahan ni Asian Academy Creative Awards 2020 Best Actor Arjo Atayde, ng mga lider sa industriya ng entertainment sa MIPCOM Cannes upang makahanap ng global distribution partner para sa serye.

Espesyal din ang premiere screening na dadaluhan nina Arjo at ABS-CBN head of International Production and Co-Production na si Ruel S. Bayani dahil ito ang unang beses na may Filipino drama series na ipapalabas sa MIPCOM Cannes.

Umiikot ang kwento ng “Cattleya Killer” sa isang imbestigasyon ng sunod-sunod na misteryosong pagpapaslang na sangkot ang isang copycat ng serial killer na kinatakutan dati sa buong Maynila. Magiging prime suspect sa kwento ang anak ng pulis na nakalutas sa kaso matapos maungkat ang mga sikreto mula sa nakaraan. May English subtitles at overdubs din ang six-part series na ginagamit ang wikang Filipino.

Direktor ng serye si Dan Villegas habang executive producer naman si direk Ruel ng “Cattleya Killer.” Bukod kay Arjo, bahagi rin ng cast sina Jake Cuenca, Christopher De Leon, at Zsa Zsa Padilla.

"It is our vision that Filipino content will be known as innovative, compelling, and meaningful; and that as we become an integral part of the beautiful tapestry of global storytellers, we will find our permanent place in the hearts of the international audience," kwento ni direk Ruel.

Nabuo ang “Cattleya Killer” dahil na rin sa tulong ng 2021 Full Circle Series Lab, isang Southeast Asian talent development initiative ng Film Development Council at ng French film company na Tatino Films. Ginabayan din ang proyekto ng international mentors mula sa South Africa, Israel, at Germany.

Ang track record ng ABS-CBN bilang content creator ang tinitingnan ng industry leaders para kunin itong partner sa international co-productions dahil sa dami ng proyekto nito na nakalaan para sa international market. Matatandaang co-producer din ang ABS-CBN ng pelikula ni Diane Paragas na “Yellow Rose,” na pinagbidahan nina Eva Noblezada at Lea Salonga, na naging unang Filipino film na nagkaroon ng wide theatrical release sa ilalim ng Sony Pictures.

Ang iba pang proyekto ng ABS-CBN kung saan co-producer ito ay ang crime family series na “Concepcion” at ang New Bilibid prison drama na “Sellblock.”   

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE