400 na pusa at aso sa Bulacan shelter, bibisitahin ni Kabayan ngayong Linggo
Mistulang Halloween araw-araw sa mga tahanan nina Katrina Cruz at Torr Mercolito dahil sa kanilang mga koleksyon ng nakakatakot na figures at items na ipapakita nila ngayong Linggo (Oktubre 16) sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan.”
Nagsimula ang interes ni Katrina sa pagkolekta ng mga horror figures nang makahiligan nila ng kanyang ina ang panonood ng mga nakakatakot na pelikula. Dahil rin dito, sinabi niya na nakakaramdam siya ng mga kaluluwang ligaw sa kanyang tahanan. Samantala, bukod sa mga horror objects, nangongolekta rin si Torr ng mga imported na maskara at lubos na nasisiyahan sa tuwing makakahanap ng rare items.
Binisita din ng “KBYN” ang Pawssion Project, isang animal shelter sa Bulacan na nag-aalaga ng humigit-kumulang 400 na aso at pusa. Ibinahagi ni Malou Perez na binuksan niya ang shelter dahil naawa siya sa mga hayop na ito na nakatakdang na sanang patayin sa pound. Ang ilan sa mga ito ay nag-aagaw buhay na dahil sa mga sugat at karamdaman, ngunit dahil sa pag-aalaga ni Malou, malusog na ang karamihan sa mga ito.
Samantala, ipinamalas ni Alfredo Belas ang kanyang lakas at determinasyon sa pagtatrabaho sa kabila ng pagkakaroon ng polio. Upang matustusan ang pangangailangan nila ng kanyang asawa na PWD rin, todo kayod si Alfredo sa pangangalakal. Ginagamit niya ang kanyang mga kamay sa pagpepedal ng kanyang side car at iniisa-isa ang mga kabahayan upang mangolekta ng basura na maaaring pang ibenta.
Panoorin ang mga kwentong ito sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan,” ngayong Linggo (Oktubre 16), alas 5 ng hapon bago ang “TV Patrol Weekend” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, youtube.com/ABSCBNNews, news.abs-cbn.com/live, TeleRadyo, at A2Z.
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.