These shows, all subtitled in Bahasa Malaysia, will be the first Filipino programs to air on Malaysia's free to air TV channel TVS 122
Mga kauna-unang programang Pinoy na mapapanood sa free TV channel na TVS 122
Patuloy pa rin ang ABS-CBN sa paghahatid ng de-kalidad na programa sa iba't ibang dako ng mundo dahil tampok sa Malaysia ang ilan sa mga teleseryeng tumatak sa mga manonood na Pinoy, tulad ng "Marry Me, Marry You," "Halik," at "On the Wings of Love."
Ang mga programang ito ang kauna-unahang programang Pinoy na itatampok sa free TV channel nitong TVS Channel 122.
Kasalukuyang napapanood ang unang Kapamilya teleserye ni Janine Gutierrez na "Marry Me, Marry You" katambal si Paulo Avelino at una ring ipinalabas sa Pinas nitong 2021.
Tampok sa kwento ang pag-iibigan nina Camille (Janine) at Andrei (Paulo) na mauuwi rin sa kasalan. Pero bago pa man sila humantong sa altar, masusubok ang katatagan ng kanilang relasyon sa sikretong mag-uugnay sa kanilang mga pamilya.
Samantala, sunod namang ipapalabas ang drama-affair serye nitong "Halik" na pinagbidahan noon nina Sam Milby, Yen Santos, Yam Concepcion, at ng Asia's Prince of Drama na si Jericho Rosales, na nakilala rin internationally sa mga Kapamilya programs noon na "Pangako Sa 'Yo," "Dahil May Isang Ikaw," "Bridges of Love," at "The Legal Wife," pati sa 2014 Malaysian series na "Kusinera Cinta."
Ipapakita sa programa ang buhay ng dalawang mag-aasawang sisirain ng pagtataksil, temptasyon, eskandalo, at paghihiganti.
Isa pa sa mga dapat abangan din ng mga manonood sa Malaysia ang hit romantic-comedy serye na "On the Wings of Love" ng tambalang JaDine nina James Reid at Nadine Lustre.
Sinubaybayan dito ang kwento nina Clark (James), isang simpleng binata na nabubuhay sa Amerika, at si Leah (Nadine), isang dalagang nagaasam na matupad ang kanyang American dream. Pero para maging legal US citizen si Leah ay kinuntsaba niya si Clark na magpakasal sa kanya, at 'di nagtagal ay nahulog ang loob nila sa isa't isa.
Hanggang ngayon, kinikilala ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga de-kalidad nitong mga teleserye, pelikula, at iba pang programa sa iba't ibang dako ng mundo, kung saan nakapagbenta ito ng mahigit 50,000 hours ng content sa higit 50 na bansa abroad.
Ilan sa mga teleserye nitong umere abroad ay ang "FPJ's Ang Probinsyano," "Sandugo," "Bagong Umaga," at "La Vida Lena" sa Africa, ang 2015 remake ng "Pangako Sa 'Yo" sa Latin America, at "Huwag Kang Mangamba" sa Myanmar. Samantala, ang mga serye nitong "Hanggang Saan" at "The Good Son" ay nagkaroon ng sari-sariling drama adaptations sa Turkey. Nagkaroon din ng Malaysian remake ang programa nitong "Tayong Dalawa" na pinamagatang "Angkara Cinta."
Bisitahin lamang ang https://www.abs-cbn.com/internationalsales/about para sa karagdagang detalye patungkol sa ABS-CBN International Distribution.