A day after its release, "BE: US" topped the album chart of iTunes in five countries.
Nanguna sa iTunes album chart sa 5 bansa
Kilig na dala ng pagmamahal ang handog ng BGYO sa kanilang ikalawang album na “BE: US” na tumatalakay sa konsepto ng pag-ibig at panliligaw sa makabagong panahon.
Tampok sa “BE: US” ang key track na “PNGNP” na inawit ng BGYO members na sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate, isinulat nina Brian Barbaso at Theo Martel, at prinodyus ni Kidwolf. Inilabas na rin ang music video nito kasabay ng kanilang bagong album.
Nanguna agad ang “BE: US” sa iTunes album chart hindi lang sa Pilipinas kungdi pati na rin sa Hong Kong, Saudi Arabia, Singapore, at United Arab Emirates.
Kamakailan nagbigay ng patikim ang BGYO sa bago nilang album nang i-release nila ang “Tumitigil Ang Mundo” at “Magnet” na parehong nanguna sa iTunes Philippines at Singapore.
Ilan pa sa original tracks ng album ang “Game On,” “Be Us,” “Panahon,” “Extraordinary,” at ang kantang “Laro” na isinulat ni Mikki.
Naging bahagi naman agad ng “New Music Friday Philippines” playlist ng Spotify at nanguna pa sa “P-pop On The Rise” playlist nito ang “Be Us” collaboration single ng BGYO kasama si Moophs.
Kasalukuyang nasa Amerika ang tinaguriang ‘Aces of P-pop’ para sa kanilang US promo tour ngayong Nobyembre.
Damhin ang tamis ng pag-ibig ng bagong album ng BGYO na “BE: US” na napapakinggan na sa iba’t ibang digital platforms at napapanood na rin ang music video ng “PNGNP” sa YouTube. Para sa iba pang detalye, sundan ang @starmusicph sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.