News Releases

English | Tagalog

PBB loveteams, tampok sa Romance Central ng Cinema One ngayong Disyembre

December 02, 2022 AT 04 : 19 PM

Romance Central movies air on Cinema One every Sunday at 5 pm.

Mga pelikula ni FPJ at ilang MMFF movies mapapanood din ngayong kapaskuhan

 

Handog ng Cinema One ang doble-dobleng kilig ngayong Pasko sa mga pelikulang pinangungunahan ng mga kasalukuyan at dating loveteams na nagmula sa “Pinoy Big Brother,” tulad ng “James & Pat & Dave” nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte na mapapanood ngayong Disyembre 4 at ang “Princess DayaReese” na pinangungunahan nina Maymay Entrata at Edward Barber na mapapanood naman sa Disyembre 25.

 

Umiikot ang “James & Pat & Dave” sa kwento ni Pat (Loisa Andalio), isang assistant hostel manager na napilitan maging katrabaho ang apo ng kanyang amo na si James (Ronnie Alonte) matapos itong ipadala upang maging empleyado ng hostel. Dagdag problema pa ng iminungkahi ni James na magpanggap siya bilang jowa ni Pat upang makalayo sa ex nito na si Dave (Donny Pangilinan). Sa likod ng kanilang away-bati na relasyon, mamumulaklak ang kilig sa isang relasyong nagsimula sa kasunduan.

 

Hatid naman ng “Princess DayaReese” ang istorya ng conwoman na si Reese (Maymay Entrata) na nagpapanggap maging si Princess Ulap ng kingdom Oro kapalit ang ginto. Sa kanyang pagpapanggap, makikilala ni Reese si Caleb (Edward Barber), isang reporter na bumubuo ng dokumentaryo tungkol sa kaharian. Saksihan kung papaano mamamayani ang pag-ibig sa pagitan ng peke at katotohanan.

 

Ang “Paano Na Kaya” nina Kim Chiu at Gerald Anderson (Disyembre 11) at “Sakaling Maging Tayo” nina Elisse Joson at McCoy de Leon (Disyembre 18) ang kukumpleto sa Romance Central line-up ng Cinema One na eere tuwing Linggo ng 5 pm ngayong buwan.  

 

Dala rin ng Cinema One ang pagbabalik ng mga classic na pelikula ni Fernando Poe Jr. ngayong Disyembre sa FPJ: Hari ng Pinoy Cinema block. Damhin ang intense na aksyon ng “Durugin Si Totoy Bato” (Dis. 4), “Kapag Puno Na Ang Salop” (Dis. 11), “Isang Bala Ka Lang Part 2” (Dis. 18), at “Ang Panday” (Dis. 25).

 

Sa pagdiriwang ng nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF), ipapalabas ng Cinema One ang ilan sa mga sikat na MMFF movies na tumatak sa publiko sa Monday Drama, 9 pm. Kabilang rito ang “Blue Moon” nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo (Dis. 5), “Mano Po” nina Maricel Soriano at Richard Gomez (Dis. 12), “One More Try” nina Angel Locsin at Dingdong Dantes (Dis. 19), at “Tanging Yaman” ni Gloria Romero (Dis. 26).

 

Available ang Cinema One, ang tahanan ng Filipino blockbuster movies, sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56, at iba pang local cable service providers. Para sa iba pang detalye, sundan ang Cinema One sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.