Ging, nagretiro na bilang ABS-CBN News chief
Inanunsyo ng ABS-CBN ang pagreretiro ni Integrated News and Current Affairs head Regina “Ging” Reyes sa katapusan ng taon matapos ang 36 taon na bukod-tanging paglilingkod sa larangan ng broadcast journalism, kabilang na ang 12 taon bilang news chief ng isa sa mga nangungunang media companies sa bansa.
Sa pamumuno ni Ging, nakamit ng ABS-CBN News ang layunin nitong maging integrated news organization na naghahatid ng balita at serbisyong publiko sa mga Pilipino saan man sa mundo gamit ang iba’t ibang plataporma sa gitna ng pandemya. Hinirang din si Ging na 2022 Southeast Asia Laureate for Women in News Editorial Leadership ng World Association of News Publishers (WAN-IFRA) sa Spain noong Setyembre para sa kanyang editorial integrity at bukod-tanging pamamalakad.
Dahil din sa husay ni Ging sa pamumuno, nakatanggap ang ABS-CBN News ng mga prestihiyosong pagkilala mula sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Cannes Corporate Media & TV Awards, Society of Publishers in Asia, at U.S. International Film & Video Festival Awards. Naging bahagi rin si Ging ng advisory board ng New York Festivals World’s Best TV & Film Awards.
Iiwan ni Ging ang mga pamanang dekalidad na serbisyong publiko at husay sa trabaho na kanyang sinimulan noong 1986 bilang isang production assistant. Kalaunan naging executive producer at head writer si Ging ng award-winning show na “The World Tonight” at iba pang special events bago siya na-promote bilang director for news production.
Bago si Ging naging news chief noong 2010, siya rin ang nanguna sa paglawak ng operasyon ng ABS-CBN News sa Amerika at Canada bilang North America news bureau chief sa loob ng walong taon. Pinangalanan din siyang isa sa mga 100 Most Influential Filipino Women in the U.S. ng Filipina Women’s Network.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.