News Releases

English | Tagalog

Angela Ken, ibinahagi ang mga pinagdaanan sa debut album

December 08, 2022 AT 08 : 33 AM

Angela Ken gets personal on her self-titled debut album.

Speechless sa pagkapanalo niya sa Awit Awards at CMMA…

Handog ng Star Music artist na si Angela Ken ang iba’t ibang kwento tungkol sa buhay teenager, pagkakaibigan, at self-love sa modernong panahon sa kanyang bagong labas na self-titled debut single.
 
Habang isinusulat niya ang mga kanta rito, nagbalik-tanaw ang rising singer-songwriter sa kanyang naging pagsisimula sa industriya.
 
“Kailangan mong balikan palagi kung saan ka nagsimula, kung ano yung naging pundasyon bakit ka na nasa sitwasyon mo ngayon, at bakit ganito karami ang sumusuporta sayo,” saad ni Angela sa naganap na mediacon para sa kanyang album.
 
Nilalaman ng “Angela Ken” album ang dalawang bagong kanta na “Buti Pa Noon” at “Payapa Lang” at anim na singles na naunang inilabas kabilang ang “Ako Naman Muna,” “Dagdag Na Alaala,” “It’s Okay Not To Be Okay,” at “Sila Pa Rin.” Tampok din dito ang “Akala Maling Akala” na narinig sa teleseryeng “2 Good 2 Be True” at “Kontrol” na bahagi naman ng soundtrack ng “Click Like Share.” Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo na siyang naka-diskubre kay Angela sa TikTok ang nagsilbing producer ng album.
 
Umiikot ang key track ng album na “Payapa Lang” sa pagpapahalaga sa mga taong patuloy na sumusuporta at nanatili sa lungkot at ligaya ng buhay. “Sadyang kay hirap amuhin ang lahat kaya ingatan ang sa iyo'y tapat. Kung sila'y lilisan, hayaan mo na lamang. Mahalin silang sa'yo'y 'di nang-iwan,” saad ni Angela sa awiting isinulat niya.
 
Bukod sa paglunsad ng kanyang debut album, nag-uwi rin ng parangal kamakailan ang “Lyric and Beat” star para sa kantang “Ako Naman Muna” na nanalo ng Best Inspirational Song sa Awit Awards 2022 at para sa kantang “It’s Okay Not To Be Okay” na itinanghal bilang Best Secular Song sa naganap na 44th Catholic Mass Media Awards (CMMA).
 
“Hindi ako nag-expect pero syempre nagdasal ako. Hindi ma-process ng utak ko na kanta ko yung sinabi na nanalo. Cloud nine talaga yung feeling ko at nakasama ko pa yung nanay ko kaya hindi ko nakontrol yung iyak ko. Sobrang speechless pa rin ako hanggang ngayon,” kwento ni Angela sa kanyang karanasan sa Awit Awards kung saan isa rin siya sa mga performer.
 
Damhin ang sentimental vibes ng self-titled debut album ni Angela Ken na napapakinggan sa iba’t ibang digital streaming platforms at panoorin ang lyric video ng “Payapa Lang” na napapanood sa YouTube. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Music sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.