Catch "By Request 2" until February 27 (Sunday) on Kumu, Facebook, YouTube, iWantTFC, and SKYcable
Tampok sina Yeng, Ogie at Regine, Anji, Jona, Gary V. at iba pa
Balik ang Kapamilya singers sa gabi-gabing pag-awit para makatulong sa mga sinalanta ng Bagyong Odette sa "By Request 2" benefit concert series na bahagi ng 100 araw na kampanyang "Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan" ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation.
Kabilang sa mga sumalang na sa ikalawang edisyon ng "By Request," na may layunin ngayong makapaghatid ng house repair kits sa mga sinalantang pamilya, sina Asia's Songbird Regine Velasquez at ang "PBB Kumunity Season 10" Top 2 celebrity housemate na si Anji Salvacion.
Kwento ni Regine, na ang ina ay taga-Leyte na isa sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Odette, nahirapan ang ilang pamilya roon na mapagawa muli ang kanilang mga bahay.
"'Diba taga-Leyte rin 'yung nanay ko? Apparently kasi 'yung ibang businesses talagang naapektuhan din so they can’t even buy materials para kumpunihin ang kanilang mga bahay even if they have the money. That's the problem," kwento niya.
"Let's do this together. Kahit anong donasyon makatutulong sa kanila sa pag-ahon at pag-buo muli ng kanilang mga tahanan. Ibahagi natin ang malasakit at pag-asa sa kanila. Ipadama natin na andito tayo para sa isa't isa," panawagan pa niya sa mga Kapamilya.
Samantala, si Anji, na ang pamilya niya ay naapektuhan din sa Siargao, ay lubos na nagpasalamat sa mga nagbigay donasyon sa mga biktima ng bagyong Odette.
"Sobra kayong nakaka-inspire. Saludo po ako sa sobrang laki ng puso ninyo at sa pagmamahal po ninyo sa pagtulong sa ating mga Kapamilya na naapektuhan ng bagyong Odette," saad ni Anji, na naki-bahagi rin noon sa "The Big Online 10Dahan" fundraiser.
Sinimulan ni Yeng Constantino ang "By Request 2" noong Pebrero 18 (Biyernes) kung saan inawit niya ang kanyang trending hit na "B.A.B.A.Y." at ilan pang request ng online Kapamilya viewers.
Sinundan naman siya nina Nyoy Volante at Jed Madela kasama si Jason Dy; OPM power couple na sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez; Klarisse de Guzman kasabay ang iDolls at si Vivoree Esclito; ex-"PBB Kumunity Season 10" celebrity housemates na sina Anji, Benedix Ramos, at Jordan Andrews; Jona; New Gen Birit Divas nina Janine Berdin, Elha Nympha, Lara Maigue, at Sheena Belarmino; at sina KZ at TJ Monterde.
Tampok din sa "By Request 2," na mapapanood gabi-gabi hanggang Pebrero 27 (Linggo) sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC, at SKYcable ch. 955 at SD ch. 155, sina Vina Morales at Jolina Magdangal; at ang nag-iisang Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano.
Sunod namang maghahatid ng saya at tulong ang mga iba-ibang narrative shows ng ABS-CBN sa "Kapamilya Family Date Nights." Sisimulan ito ng "Viral Scandal" sa Family Karaoke Nights mula Pebrero 28 hanggang Marso 2, kasunod ang "2 Good 2 Be True" na may "2 Good Family Fun Ka2waan" mula Marso 3 hanggang March 5, pagkatapos ay "Ultimate FamGames" ng "Darna" mula Marso 6 hanggang Marso 8, at panghuli naman ang "Family Kilig Campaign" ng "MMK" at "Viral Scandal" sa Marso 9.
Sa kabuuan, umabot na sa higit P95.13 milyon ang cash donation na natanggap ng ABS-CBN Foundation noong Pebrero 22 habang nagkakahalaga naman ng P16.35 milyon ang in-kind donations. Nakapaghatid na rin ng food packs sa 203,110 na pamilya at house repair kits sa 330 na pamilya.
Maaari ring makatulong sa ating mga kababayan sa pag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee para sa karagdagang house repair kits sa mga naapektuhang pamilya.
Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang foundation.abs-cbn.com o i-follow ang ABS-CBN Foundation sa Facebook, Twitter, at Instagram accounts nito.
Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28,2022.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.