“Baka Bukas,” “Slumber Party,” at iba pa, streaming hanggang April 30
Mas lumago pa ang digital presence ng Cinema One matapos nitong malampasan ang 1 milyong subscribers sa YouTube, kung saan pwedeng mapanood ng netizens ang ilan sa mga paborito nilang pelikula, dokumentaryo, at iba pang orihinal na content on-demand.
Simula nang ilunsad ito noong 2015, napuno na ng entertainment content ang online platform kung saan mae-enjoy ang mga clip mula sa comedy (‘Joke Ba Kamo’), romance (‘Kilig Scenema’), drama (‘Reel Drama’), classic (‘Takilya Throwback’), at horror (‘Scream-O-Meter’) na pelikula. Mapapanood din dito ang mga feature mula sa magazine show na CinemaNews at FYE Channel shows gaya ng “The Best Talk” at “PopCinema,” mga exclusive na interview, at behind-the-scene specials.
Sa ngayon, mapapanood nang libre sa digital channel hanggang Abril 30 (Sabado) ang "Barbi: Maid in the Philippines," "Dagitab," "Da Dog Show," at "Ligo Na U, Lapit Na Me" pati na ang 2012 Cinema One Originals film na “Slumber Party” na pinagbibidahan nina Markki Stroem, Archie Alemania, at RK Bagatsing at ang 2016 Cinema One Originals’ movie na “Baka Bukas” tampok sina Jasmine Curtis-Smith at Louise delos Reyes.
Samantala, tuloy din ang pagdami ng followers ng Cinema One sa Facebook kung saan meron na itong halos 3 milyong followers. Bukod sa mga nakakatuwang clips, patok din sa netizens ang mga scene mula sa local movies na ginagawang memes.
Nagsimula ang Cinema One bilang cable channel ng Creative Programs, Inc. (CPI) ng ABS-CBN noong 1994 na nagpapalabas ng mga local at foreign films para sa mga Pilipinong manonood. Bukod sa orihinal nitong produksyon na CinemaNews na mapapanood na ang bagong season simula sa Biyernes (Marso 4), 9 pm, sumabak na rin ang channel sa paggawa ng digital shows sa @fyechannel sa kumu gaya ng “The Best Talk,” “PopCinema,” “On Ztage,” at “Rated Z.”
Mag-subscribe na sa Cinema One YouTube channel para maging updated sa mga paborito mong pelikula! Para sa updates, i-like ang Cinema One sa Facebook (https://www.facebook.com/Cinema1channel) at sundan ang @c1nemaone sa TikTok at Twitter at @cinemaonechannel sa Instagram.