News Releases

English | Tagalog

Piolo, sumabak sa virtual run challenge ng SKY para tulungan ang Odette victims

February 07, 2022 AT 07 : 10 PM

Every step taken in this Kapamilya Virtual Run is for a good cause.

Maaaring sumali sa “100 Hakbang sa Pagtutulungan” virtual run fundraiser hanggang Pebrero 28
 
Tagumpay si Piolo Pascual sa “100 Hakbang Challenge” ng SKY at hinikayat ng Kapamilya aktor ang iba na sumali bilang suporta sa “Isang Daang Hakbang Sa Pagtutulungan: Kapamilya Virtual Run.”
 
“Matindi ang pinsalang idinulot ng bagyong Odette sa maraming bahagi ng ating bansa. Hanggang sa ngayon, marami pa rin tayong mga Kapamilya na nangangailangan ng ating tulong. Kapamilya, sama-sama tayo makibahagi at humakbang,” panawagan ni Piolo nang siya’y sumali sa Kapamilya Virtual Run na kabilang sa fundraising efforts ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
 
Hinimok muli ni Piolo ang iba na sumali matapos niyang i-post ang video na ginagawa niya ang 100 hakbang sa kanyang Facebook at Instagram accounts.
 
Sa donasyon na P100 o P400 lamang, maaari na makilahok sa 100 hakbang challenge at makatulong din sa paghahatid ng pagkain at basic necessities sa mga apektadong komunidad sa Visayas at Mindanao.
 
Ang donasyon ay idedeposito lamang sa BDO (0039300-86136) o BPI (3051-1156-26) account ng fundraiser. Pwede rin ipadala ang donasyon sa pamamagitan ng pag-scan ng GCash, PayMaya, o PayPal QR Code ng Kapamilya Virtual Run. Pagkatapos magpadala ng donasyon, magtungo sa www.runrio.com para mag sign up sa virtual run at isumite ang patunay ng donasyon.
 
Maaari kumpletuhin ng mga kalahok ang kanilang 100 hakbang hanggang Pebrero 28. Hinihikayat din sila na mag-post ng litrato o bidyo nila na ginagawa ang challenge sa Facebook at Instagram gamit ang hashtag na #100HakbangSaPagtutulungan.
 
Kung nais tumulong nang higit pa sa paggawa ng 100 hakbang, maaari rin mag donate ng P800 o P1,200 para makasali sa 5K o 10K Top Up Run Categories. Anumang kategorya ng virtual run ang piliin ng mga lumahok, makakatanggap sila ng e-badge. Ang Top Up Category runners naman ay may karagdagang e-bib at personalized e-certificate.
 
Ang “Isang Daang Hakbang Sa Pagtutulungan: Kapamilya Virtual Run” ay inorganisa ng SKY kasama ang channel partners na HBO at History Channel para suportahan ang “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan,” ang ikalawang bahagi ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation fund drive para sa benepisyo ng mga nasalanta ng Odette. Nitong Pebrero 6, 182,110 pamilya na ang natulungan ng ABS-CBN Foundation gamit ang mga donasyon. Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28,2022.
 
Para sa iba pang impormasyon ng virtual run na ito, bisitahin ang www.mysky.com.ph/100hakbang. Maaari din i-follow ang SKY sa Facebook (fb.com/myskyupdates), Twitter (@myskyupdates), at Instagram (@myskyupdates) para sa karagdagang balita.