News Releases

English | Tagalog

TeleRadyo, ginawaran ng pinakamataas na parangal para sa radyo sa 6th GEMS Awards

March 15, 2022 AT 05 : 39 PM

ABS-CBN’s TeleRadyo led the Kapamilya winners including John Arcilla, Dimples Romana, Luis Manzano, and Ogie Alcasid at the 6th GEMS Awards held by the Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS).

Kapamilya stars at shows, kinilala ng mga guro at estudyante

Ginawaran ang TeleRadyo ng Natatanging Hiyas ng Sining sa Radyo (Highest Honors for Radio) ng Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS) sa 6th GEMS Awards, kung saan nagwagi rin ang iba pang mga Kapamilya tulad nina John Arcilla, Dimples Romana, Luis Manzano, at Ogie Alcasid kamakailan lang.

Si “On the Spot” anchor Tony Velasquez ang tumanggap ng parangal mula sa GEMS para sa TeleRadyo, na patuloy na naglilingkod sa mga Pilipino sa cable at digital matapos mag-off air sa radyo noong 2020.

“Kami ay lubos na nagagalak sa inyong patuloy na pagtitiwala sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng aming himpilan nitong nakaraang dalawang taon. Makaaasa kayong ipagpapatuloy namin dito sa TeleRadyo ang aming adhikain sa mahigit tatlong dekada, na paglingkuran ang sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagiging una sa balita at una sa public service,” ani Tony.

Binigyan din ng mataas na parangal ang beteranong aktor mula sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na si John Arcilla, na tinanggap ang Natatanging Hiyas ng Sining sa Pelikula (Highest Honors for Film) para sa mahuhusay niyang pagganap at mga ambag sa pelikulang Pilipino. Natatanging Pelikulang Pangkalinangang Pilipino naman ang iginawad sa “Kun Maupay Man It Panahon” na pinagbidahan nina Charo Santos at Daniel Padilla.

Samantala, hinirang din ang “ASAP Natin ‘To” bilang Best TV Program (Entertainment/Variety) at ang “Viral Scandal” bilang Best TV Series sa isinagawang virtual awarding ceremony ng GEMS. Naiuwi rin ni Dimples Romana ang Best Performance in a Supporting Role (Male or Female – TV Series) para sa pag-arte niya sa “Viral Scandal,” habang parehong Best TV Program Host sina Luis Manzano  (“I Can See Your Voice”) at Ogie Alcasid (“It’s Showtime”) sa kategoryang Reality/Talent Search at Entertainment/Variety.

Nagwagi rin ang iba pang Kapamilya para sa kani-kanilang mga proyekto tulad ng Star Magic artist na si Paolo Gumabao (Espesyal na Gawad sa Kapuri-puring Pagganap para sa “Lockdown”), ang komedyante at talent manager na si Ogie Diaz (Best Digital Program para sa “The Ogie Diaz YouTube Channel”), at si Megastar Sharon Cuneta (Best Performance in a Lead Role (Female) in a Film for "Revirginized").

Ang GEMS – Hiyas ng Sining ay isang samahang nagbibigay-pagkilala sa mga katangi-tanging alagad ng sining sa larangan ng panulat, digital, tanghalan, radyo, telebisyon, at pelikula.

Para sa updates sa ABS-CBN, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.