News Releases

English | Tagalog

Knowledge Channel, nagturo ng pag-aalaga sa kalikasan sa mahigit 6,000 na mag-aaral

March 02, 2022 AT 12 : 54 PM

The project engaged 17 elementary schools in Marikina City to educate the youth on the importance of environmental protection and conservation

Mga estudyante at paaralan, nakatanggap ng premyo

Kaisa ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) sa pagtuturo ng kahalagahan sa pag-aalaga ng kalikasan sa mahigit 6,000 na mag-aaral sa proyektong "Eco-Squad: Kilos Kabataan Para sa Kapaligiran (KKK)" kasama ang Breeze at sa Department of Education (DepEd) Schools Division Office – Marikina.

Labing-pitong paaralan sa Marikina ang kasali sa KKK na layuning bigyan ng kaalaman ang kabataan sa importansya ng pag-aaruga sa kapaligiran sa pamamagitan ng mga film showing patungkol sa kalikasan, epekto ng polusyon, at pag-recycle.

Lumahok din ang mga estudyante sa Eco Planters contest, kung saan gagawa sila ng mga recyclable na taniman at doon nila palalaguin ang kanilang mga seedling at isusulat ang weekly progress nito sa kanilang Eco Diary. Tumulong din sa paggawa ng mga tanimang yari sa recyclable material ang resident art teacher ng Knowledge Channel na si Teacher Precious Gamboa.

Tatlong estudyante ang nagsipagwagi mula sa 17 finalists base sa tubo ng kanilang mga halaman, pagkamalikhain, at kabuuan ng kanilang Eco Diary. Ito ay sina Allyza Nichole de Jesus ng Malanday Elementary School na nagkamit ng Supremo Award (first prize), Given Rich Claciete mula Concepcion Elementary School na nag-uwi naman ng Bayani Award (second prize), at Lois Nicolette delos Santos ng L. Victorino Elementary School para sa Kawal Award (third prize). Inuwi rin ni Allyza ang Sikat Award matapos makatanggap ng pinakamaraming likes online.

Nakatanggap sila ng cash prize, mga laptop unit para sa kani-kanilang paaralan, at sari-sariling tablet. Samantala, ang mga finalist ay nag-uwi rin ng tig-isang tablet na naglalaman ng video lessons ng Knowledge Channel na makatutulong sa kanilang online learning.

Nagpasalamat naman si KCFI president at executive director na si Rina Lopez-Bautista sa mga nakiisang magulang, guro, at estudyante sa kanilang adhikain na bigyang importansya ang pag-alaga sa kalikasan.

"Maraming salamat sa inyong kooperasyon sa pagtuturo sa mga bata ng importansya sa pag-aalaga kay Inang Kalikasan para mapanatiling ligtas at malinis ang ating kapaligiran. Patuloy natin silang gabayan na pahalagahan at pagyamanin ang ating mga likas yaman para sa susunod na henerasyon," aniya.

Nagbigay mensahe rin ang SDO - Marikina Schools Superintendent na si Sheryl Gayola patungkol sa ipinakitang husay ng kanilang mga estdyante at importansya ng experiential learning sa kanilang pag-aaral.

Bisitahin din ang www.knowledgechannel.org para sa karagdagang educational materials at mga updates patungkol sa Knowledge Channel.