Tampok ang mga komposisyon nina Maestro Ryan Cayabyab, Rey Valera, at iba pa
Muling pinatunayan ng The CompanY ang kanilang musical versatility sa bagong album na “
Gitna,” isang koleksyon ng mga awitin na tumatalakay sa iba’t ibang tema ng pag-ibig at ibinibida ang natatanging galing sa vocal harmony ng grupo.
Ito na ang ika-29 na album ng The CompanY na kinabibilangan nina Annie Quintos, OJ Mariano, Moy Ortiz, at Sweet Plantado at ang unang album na inilabas nila sa ilalim ng Star Music ng ABS-CBN. Maririnig dito ang pag-explore ng grupo gamit ang mga modernong istilo ng musika at iba’t ibang genre gaya ng pop, jazz, electronica, dance, at acoustic folk.
Ang pamagat ng album na “Gitna” ay siya ring titulo ng key track nito at sumisimbulo sa ‘core’ ng grupo sa harap ng mga pagbabago at kaguluhan sa musika at buhay.
Sa virtual album launch, sinabi ni Sweet na pinili nila ang "Gitna" bilang key track dahil kakaiba ito. "Marami kaming pinili from the Star Music catalogue pero dito kami nag-zoom in kasi it's not the usual love story, paggamit ng salita, and 'yung marriage ng lyrics and melody iba. Tapos Moy had this idea na gawin siyang duet, so nung binigay siya sa amin ni OJ, siyempre nag-iba 'yung kulay.”
Bukod sa “Gitna” na isinulat ni Davey Langit, kasama sa 10-track album ang mga nauna nang i-release na kantang “Sumakabilang Puso,” “‘Sang Tawag Mo Lang,” “Disco Plantito, Disco Plantita,” “Sa May Bintana,” at “Walang Sayang.” Kabilang din dito ang “Kumusta Ka” na isinulat ni Rey Valera, “Hideaway” na isinulat ni Maestro Ryan Cayabyab, “Sukob Na” na isinulat nina Mortiz Edgar Frasco at Flores Alexeeb, at “Ambon” na isinulat ni Nica Del Rosario.
Dahil multi-talented ang mga miyembro ng The CompanY, nagsilbi ring vocal arranger para sa lahat ng kanta si Moy at tumulong din sa pagprodyus ng ilang awitin sa album.
Nang tanungin sa mga challenge na kinaharap nila sa paggawa ng album kung saan tampok ang mga beterano at baguhang manunulat ng kanta, ani Moy, "'Yung kanta kasi ng new generation songwriters, 'yung pag-compose nila ng music ngayon hindi na formulaic—hindi mo alam saan papunta 'yung structure and melody at makikita niyo 'yan sa ‘Gitna.’"
Samantala, inilabas na rin sa YouTube ang isang
mini documentary na sumesentro sa pagbuo ng album.
Noong Hulyo 1985 nang binuo ang The CompanY ng alumni ng Ateneo College Glee Club. Nagsimula sila bilang back-up vocalists ng pop stars noong ‘80s bago naging mga propesyunal na recording artists. Ngayon, kilala na sila bilang premier vocal harmony act sa Asia at may pinakamaraming parangal na natanggap sa Pilipinas. Nakasama na nilang mag-perform ang ilan sa mga bigating mang-aawit gaya ng The Manhattan Transfer, Jim Brickman, Michael Buble, Noel Pointer, John Ford Coley, at marami pang iba.
Pakinggan ang bagong album ng The CompanY na “Gitna” sa iba’t ibang
digital music platforms at abangan ang music video ng “Gitna” ngayong Biyernes (Marso 25), 8PM sa YouTube channel ng Star Music. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (
www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).