Handog ng iWantTFC sa Abril 25 para sa Mother’s Day…
Isang tagos sa pusong serye ang handog ng iWantTFC ngayong Mother’s Day na pinagbibidahan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde para sa “Misis Piggy,” na mapapanood nang libre sa Pilipinas ngayong Abril 25.
Bibigyang-pugay ng “Misis Piggy” ang lahat ng masigasig na ina na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak sa kabila ng lahat ng kanilang mga pagsubok sa buhay.
Tampok sa serye ang kwento ni Marivic (Sylvia), isang masugid at mapagmahal na single mom sa tatlong niyang anak na sina Lani (Ria), Steffi (Iana Bernardez), at Jeffrey (Elijah Canlas). Buong buhay ni Marivic ay mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagbebenta ng baboy sa palengke.
Walang ibang ninanais si Marivic kung ‘di laging makapiling ang kanyang mga anak ngunit unti-unting manganganib ang relasyon nila habang sila ay tumatanda. Ang panganay niyang si Lani ay gustong umasenso bilang nurse sa Canada, si Steffi ay isang guro na inalok ng scholarship sa Amerika, habang ang bunsong si Jeffrey ay balak mag-internship sa Australia para makapagtapos ng kolehiyo.
Lalo pang madudurog ang puso ni Marivic nang malaman niyang gustong makipag-ayos ng kanyang mga anak sa kanilang amang si Rupert (Ricky Davao) matapos silang layasan para sa ibang babae.
Hindi naging maganda ang hiwalayan nina Marivic at Rupert at lalong lumaki ang hidwaan sa pagitan nila dahil ilang taong hindi nagparamdam si Rupert sa kanilang pamilya. Sa kabila nito, gustong mag-move on nina Lani, Steffi, at Jeffrey at handa silang buksan ang kanilang mga puso para sa kanilang ama.
Maaayos pa kaya ni Marivic ang namumuong tampuhan sa mga anak niya? Magawa kayang patawarin ni Marivic si Rupert alang-alang sa kanilang pamilya?
Ang “Misis Piggy” ay isinulat at idinerehe ni Carlo Catu at iprinodyus ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, Dreamscape Entertainment, Nathan Studios, at Epic Media.
Ipagdiriwang ang Mother’s Day sa panonood ng “Misis Piggy” ngayong Abril 25 sa iWantTFC app (iOs at Android) o website (iwanttfc.com). Libre itong napapanood sa Pilipinas at isang bagong episode ang ipapalabas araw-araw ng 8 PM. Mapapanood din ang iWantTFC sa mas malaking screen sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU at Amazon Fire streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, Telstra TV (available lamang sa Australia) para sa users sa labas ng Pilipinas, at VIDAA para sa piling mga bansa. Available na rin ang iWantTFC via Chromecast at Airplay. Para sa kumpletong listahan ng compatible devices, sign in instructions, at account activation, bisitahin ang https://iwanttfc.com/help#tfc-on-smart-tv.
Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFCo sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWantTFC o mag-e-mail sa support@iwanttfc.com.