News Releases

English | Tagalog

Kapamilya gamers, lalabanan ang fans para sa Odette survivors sa “Star Magic Game Zone”

April 05, 2022 AT 11 : 36 AM

From March 30 to April 8, Star Magic artists will play the popular Mobile Legends (ML) game against five of their fans while they encourage people to donate any amount to provide home repair kits to families whose homes were destroyed during the typhoon.

Star Magic All Star Games, sa Mayo 22 na! 

Sa bihirang pagkakataon, makakalaro ng fans ang kanilang paboritong Kapamilya stars sa “Star Magic Game Zone,” ang pinakabagong fundraising activity ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga biktima ng Bagyong Odette.

Mula Marso 30 hanggang Abril 8, haharapin ng Star Magic artists ang lima sa kanilang fans sa larong Mobile Legends (ML) habang ineenganyo ang mga manonood na mag-donate para sa home repair kits na ibibigay sa mga pamilyang nasira ang mga tirahan dahil sa bagyo.

Sina Markus Paterson, Anthony Jennings, Gello Marquez, at Esnyr Ranollo ang unang sumalang sa “Star Magic Game Zone” na isinasagawa sa tulong ng gaming at Esports company na LuponWXC at MOONTON Games, international gaming developer ng Mobile Legends: Bang Bang.

Kasama nila sina MYX VJ Ai Dela Cruz at shoutcaster Lanna, na ibinalita rin ang pagbabalik ng Star Magic All Star Games sa Mayo 22 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Star Magic. Dito magbabakbakan sa volleyball, badminton, at golf ang Star Magic artists habang maghaharap din ang “It’s Showtime” family at Star Magic Dream Team sa isang basketball game.

Samantala, palaban din ang Team Girl Power nina Gillian Vicencio, Heaven Peralejo, Vivoree Esclito, at Elha Nympha sa Day 2 ng “Star Magic Game Zone” kasama sina Karen Bordador at shoutcaster Honeyglazee. Tulad sa Day 1, game din sila sa mga dare mula sa hosts at fans tuwing natatalo o may naabot na halaga ng donasyon.

Nanawagan din sila sa mga taga-suporta nila na magbigay ng anumang makakaya sa “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” campaign.

“Let’s have an open heart and help our fellow Kapamilyas, our kababayans na affected by Typhoon Odette. Anything, any piece of love, any donation, any gift that you can give will be greatly appreciated,” ani Markus.

Maliban sa donors, nagpasalamat din si Gillian sa mga nakasama nilang fans at gamers sa laban, na napanood sa FYE Channel at Star Magic Phils sa kumu, ABS-CBN Facebook page, ABS-CBN Entertainment YouTube Channel, iWantTFC, at SKYcable ch. 955 at SD ch. 155. 

“Maraming-maraming salamat po sa lahat po ng nagbigay ng donasyon at nanood sa amin ngayong araw na ito. Talagang marami po tayong matutulungan dahil po sa mga ibinigay ninyo. At sa mga nakalaro po namin ngayon, maraming maraming salamat sa inyo for playing a good game with us.”

Nagpakita rin ng kanilang galing sa ML at kabutihang loob sa mga sumunod na gabi sina Cole, Gia, Amy, Frances, at Klaryle ng MNL48, sina Akira at JL ng BGYO, at sina Zaijian Jaranilla, Isaiah Dela Cruz, Seth Fedelin, Luis Vera Perez, at Russu Laurente. Susunod na sasalang naman sina Anji Salvacion, Shanaia Gomez, at Albie Casiño, sina Tan Roncal at Ashley Del Mundo, sina Kaori Oinuma at JC Alcantara, sina Tristan Ramirez, Anthony Castillo, Luis Gragera, JM Dela Cerna, at Neil Murillo, at ang iDolls (Matty and Enzo) at si JM Yosures.

Noong Lunes (Abril 4), nakapaghatid na ang ABS-CBN Foundation ng 584 home repair kits habang 207,649 pamilya ang nakatanggap na ng food packs mula nang nanalasa ang Bagyong Odette sa Palawan, Visayas, at Mindanao noong nakaraang taon. Umabot na rin ang cash donations sa P104,850,000 habang nagkakahalaga ng P16,450,000 ang in-kind donations.

Bukod sa pagbagsak ng virtual gifts, stars, o stickers tuwing “Star Magic Game Zone,” makakatulong rin sa pag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee na idaragdag sa pondo para sa home repair kits. Para sa ibang impormasyon, pumunta sa ABS-CBN Foundation website at sa mga opisyal nitong account sa FacebookTwitter, at Instagram accounts.

Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.