Katuwang ang DOT sa bagong online travel series
Iikot ang P-Pop girl group na BINI sa iba’t ibang lugar sa bansa upang ipakilala ang ilan sa best spots para sa bakasyon, food trip, at iba pang outdoor activities sa bagong series na “BINI Roadtrip Adventures,” na napapanood sa
BINI Official YouTube channel.
Katuwang ang Department of Tourism, layunin ng digital show na ipamalas ang ganda ng local tourist destinations at ibida ang kulturang Pinoy bilang suporta sa muling pagbubukas ng tourism sector.
Namasyal sa Luneta sa Maynila ang BINI members na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena para sa
premiere episode ng programa, kung saan nakita nila ang ilang historical landmarks, naglaro ng masayang history quiz, at nag-perform din ng “Na Na Na” na may surprise appearance pa ng mga fans nilang BLOOMs.
“Sobrang happy ko talaga kasi dahil dito sa ‘BINI Roadtrip Adventures,’ napupuntahan na natin ‘yung mga famous landmarks, mga tourist spots here in the Philippines. Feeling ko makaka-discover din tayo ng mga hindi pa kilalang spots na tayo magpapakilala,” ani BINI Maloi.
“Super g kami to try everything and discover new things together,” dagdag ni BINI Gwen. “We feel so blessed din kasi through this project we were able to discover new things with BINI altogether.”
Buong taon mapapanood ang bagong “Made for YouTube” offering na siguradong ikatutuwa ng BLOOMs pati na ng BINI members na mula rin sa iba’t ibang probinsya sa bansa gaya ng Cavite, Laguna, Batangas, Bicol, Cebu, Bohol, Isabela, at Nueva Vizcaya.
Parang homecoming na rin ito para sa ilang miyembro, dahil dadayuhin din nila ang iba pang mga lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa mga susunod na episodes ng online show.
Sama na sa “BINI Roadtrip Adventures” sa
BINI Official’s YouTube channel, at abangan ang bagong episode tuwing Huwebes, 8PM. Alamin ang updates tungkol sa BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe na sa YouTube channel nilang BINI Official.