Masayang nakamit ang higit sa 500,000 listeners sa Spotify
Iba’t ibang kwento at emosyon ang ipinapakita ng “Tawag Ng Tanghalan” season 2 grand champion na si Janine Berdin sa kanyang debut EP na pinamagatang “
WTF I actually wrote these songs.”
Inilabas noong Biyernes (June 10) ang mini-album na meron na agad 1.5 million streams sa Spotify kung kaya’t kinilalang biggest gainer si Janine na umangat ng 35 spots sa Top Artists Philippines list ng music platform sa bilang na #150 noong June 11. Kasalukuyan din siyang nagtataglay ng monthly listeners na higit sa 500,000.
“Crying because I have half a million monthly listeners and a song of mine is on the charts, and people are listening to my EP,” naiiyak na pahayag ni Janine sa Instagram.
Puno ng relatable emotions na talaga namang pinagdadaanan ng mga tao ang “WTF I actually wrote these songs” EP. Isinulat niya ang album tracks mula sa puso para maipakita ang kanyang makulay na personalidad bilang artist.
Kasama sa EP ang mga bagong awitin na “Araw-araw, Ikaw,” “I’m Not Her,” “Padayon Lang,” at “SHE WAS ONLY 16.” Mapapakinggan din dito ang mga nauna na niyang inilabas na kanta na “Pagod Na Ako” na prinodyus ni JK Labajo at ang “The Side Character.” Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang siyang nagprodyus ng album sa ilalim ng Star Music label.
Unang nakilala si Janine nang magwagi siya sa “Tawag Ng Tanghalan” singing competition ng “It’s Showtime” noong 2018. Napapanood ang Star Magic artist at Polaris talent ngayon sa “ASAP Natin ‘To” kasama sina Elha Nympha, Reiven Umali, at JM Yosures bilang New Gen Birit Idols. Kamakailan ay inilunsad na rin ang kolaborasyon niya kasama si Adie sa awiting “Mahika.”
Napapakinggan na ang “WTF I actually wrote these songs” EP ni Janine sa iba’t ibang
digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (
www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).