News Releases

English | Tagalog

Mga kwentong pang-tatay, kalayaan, at pride, hatid ng Cinema One ngayong Hunyo

June 08, 2022 AT 11 : 02 AM

Mga pelikula ni Coco, ipapalabas tuwing Biyernes ng gabi

Siksik sa luha, tawa, at aksyon ang mga pelikulang ipapalabas ng Cinema One ngayong Hunyo, na siguradong ikatutuwa ng mga manonood ng cable channel.

Dapat nang planuhin ang movie night bonding kasama ang mga tatay bago at pagkatapos ng Fathers’ Day sa Hunyo 19 dahil mapapanood sa Cinema One tuwing Lunes at Martes ang mga pelikulang ipapamalas ang saya at hirap ng pagiging ama.

Panoorin ang kwento ng isang pamilyang naipit sa isang Ponzi scheme sa “Honor Thy Father” sa Hunyo 13; mga magkakapatid na napilitang magsama-sama uli pagkatapos ma-diagnose ng cancer ang kanilang ama sa “Seven Sundays” sa Hunyo 20; at ang life-changing na karanasan ng isang ama na nakasamang muli ang iniwang anak sa “Northern Lights: A Journey To Love” sa Hunyo 27. Abangan ang mga palabas na ito sa Cinema One kada Lunes, 9 PM.

Para naman sa mga mahilig sa comedy, tumutok tuwing Martes, 9 PM, simula ngayong Hunyo 14 kung saan mapapanood ang kwento ng dalawang taong patay na ang mga asawa na nakahanap ulit ng pag-ibig sa “Biyudo Si Daddy, Biyuda Si Mommy.” Samahan naman sina Dolphy at Serena Dalrymple sa nakakatuwang pagganap nila bilang mag-ama sa “Daddy O! Baby O!” sa Hunyo 21 at ang kwento ng isang ulila na aalagaan ng tatlong ama sa “Tong Tatlong Tatay Kong Pakitong Kitong” sa Hunyo 28.

Samantala, bibida rin ang ‘lodi’ ng mga tatay na si Coco Martin sa cable channel dahil ipapalabas ang mga pelikula niya ngayong buwan tuwing Biyernes, 10 PM, simula sa “Ang Panday” sa Hunyo 10, na susundan ng “Beauty and the Bestie” sa Hunyo 17, at “The Super Parental Guardians” sa Hunyo 24.

Sagot din ng Cinema One ang “Freedom Festival” sa Hunyo 12 (Linggo) bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan tampok ang mga pelikulang “Lapu-Lapu,” “Bonifacio: Ang Unang Pangulo,” “Heneral Luna” at iba pa. Iwawagayway din ang mga pelikulang may temang LGBTQIA ngayong Pride Month sa “Rainbow Festival” sa Hunyo 26 (Linggo) sa mga palabas gaya ng “Rainbow’s Sunset,” “The Unkabogable Praybeyt Benjamin,” “The Panti Sisters” at iba pa.

Available ang Cinema One, ang tahanan ng Filipino blockbuster movies, sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56, at iba pang local cable service providers. Para sa iba pang impormasyon, sundan ang Cinema One sa FacebookTwitterTikTokYouTube, at Instagram.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE