News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN Entertainment naka-40M subs, numero unong YouTube channel pa rin sa Southeast Asia

July 06, 2022 AT 03 : 50 PM

Made for YouTube shows, nasa Kapamilya Online Live na

ABS-CBN Entertainment pa rin ang nangungunang YouTube channel sa buong Southeast Asia matapos itong maka-40 milyong subscribers sa sikat na video streaming platform. 

Umabot na sa higit 53.5 bilyong lifetime views ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel noong Hunyo 2022, ayon sa global video measurement at analytics platform na Tubular Labs.

Mas marami nang programa ang matututukan ng viewers sa YouTube dahil available na sa primetime weekends ng Kapamilya Online Live ang ilang Made for YouTube exclusive shows.

Nariyan ang nakakakilig na tambalan nina Maris Racal at Carlo Aquino sa “How to Move On in 30 Days,” ang unang co-production ng YouTube sa Pilipinas na mayroon nang higit 20 milyong combined views. Napapanood ang serye tuwing Sabado ng 9 PM. 

Samahan naman si Alora Sasam tuwing 10:30 PM para sa quiz show na “IQ Ang Nagwagi,” kung saan nakikipagkulitan ang aktres kasama ang iba’t ibang Kapamilya stars habang sumasagot sila ng nakakatawang mga trick question. 

Pwedeng maki-bonding at makipag-chikahan sa “It’s Showtime All Access” para sa isang behind-the-scenes kwentuhan kasama ang hosts at staff ng noontime program tuwing 10:45 PM. 

Maki-hugot din sa sari-saring kwento ng pag-ibig sa “Dear MOR: Celebrity Specials” tuwing 11 PM. Tampok sa mga episode sina Karina Bautista at Aljon Mendoza, Kiara Takahashi at Benedix Ramos, at Vivoree Esclito at Zach Castañeda.

Isang gabing puno ng kantahan naman ang handog tuwing Linggo simula 9 PM para sa “One Music Play PH.” Maki-jamming at alamin ang mga kwento sa likod ng ilang mga kanta ng OPM artists sa “The Music Room” at “Gold School,” at panoorin din ang live performances sa “Yeng Constantino: Salamat sa Sampung Taon” at “Double Hearts Digital Concerts.” 

Samantala, napapanood pa rin nang libre at on-demand ang livestreaming ng Kapamilya Online Live kung saan ipinapalabas ang ABS-CBN teleseryes na “FPJ’s Ang Probinsyano,” “2 Good 2 Be True,” “A Family Affair,” at “Love in 40 Days.” 

Ang lumalaking komunidad ng ABS-CBN sa YouTube ay patunay ng unti-unting pag-transition ng ABS-CBN sa pagiging isang digital company na may pinakamalawak na online presence at pinakamadaming digital properties na pinapanood ng marami.

Maging parte ng online pamilya ng ABS-CBN sa pag-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom