News Releases

English | Tagalog

“Mars Ravelo’s Darna,” tinutukan at pinuri ang unang paglipad sa primetime

August 16, 2022 AT 06 : 18 PM

#Darna, top trending sa Twitter worldwide at Pilipinas

Nag-umpisa na nga ang makabagong paglalahad ng ABS-CBN sa kwento ng pinakakilalang Pinay superhero sa “Mars Ravelo’s Darna" na pinagbibidahan ni Jane De Leon at tumanggap ng maraming papuri at suporta at sadyang tinutukan ng mga manonood. 

Umabot sa 296,334 ang live concurrent viewers ng unang episode sa Kapamilya Online Live sa YouTube, kung saan ipinakilala na ang karakter ni Jane na si Narda Custodio, ang nanay niyang si Leonor (Iza Calzado), kapatid na si Ding (Zaijian Jaranilla), at Lola Berta (Rio Locsin).

Nabigyang-linaw sa episode kung paano napunta sa Earth ang unang Darna na si Leonor mula sa planeta niyang Marte, at ipinakita rin ang kapasidad niya bilang Darna habang kinakalaban niya ang isang alien na umatake sa kanilang bayan.

Nalaman na rin ni Narda ang pagiging superhero ni Leonor at ang tadhana niya bilang susunod na protektor ng mahiwagang bato. Samantala, napanood din ang isang eksena kung saan may misteryosong babaeng karakter na tila nalason ng elemento mula sa alien na nilalang, na tila ba inilalarawan kung paano magiging babaeng ahas na si Valentina ang karakter ni Janella Salvador na si Regina.

Bukod kina Jane, Zaijian, Janella, Rio, at Iza, ipinakilala na rin si Joshua Garcia sa unang episode bilang Brian Robles, isang kaibigan ni Narda na sinubukan niyang iligtas mula sa mga bully.

Matapos ang ilang taong paghihintay, hindi napigilan ng netizens na magpahayag ng paghanga para sa “Mars Ravelo’s Darna,” lalo na at nanguna sa Twitter trend list worldwide at sa Pilipinas ang hashtag #Darna. Marami rin ang pumuri sa visual effects, fight scenes, at nakaka-inspire na mensahe ng serye.

Ani Twitter user @sentillasdarwin, “I love the stunts, the production value, and the ensemble cast, not to mention the narrative we really need right now calling us to be our own 'hero' to and for others. I'm all for it! #Darna.”

“#Darna is a mix of CGI and practical effects. I’m not expecting Hollywood-level effects but comparing this to its contemporaries, this is a level up sa Pinoy TV,” tweet naman ni @CholoI_.

Para sa premiere episode nito, nagdaos ang “Mars Ravelo’s Darna” ng live viewing party sa Robinson’s Galleria nitong Lunes (Agosto 15), kung saan nag-enjoy ang fans na panoorin ang serye kasama ang dumalong cast members.

Ang “Mars Ravelo’s Darna” ay idinirek nina Master Director Chito S. Roño, Avel Sunpongco, at Benedict Mique at ipinrodyus ng JRB Creative Production unit ng ABS-CBN.

Abangan ang gabi-gabing paglipad ni Narda tungo sa kanyang pagiging Darna sa “Mars Ravelo’s Darna,” Lunes hanggang Biyernes, 8 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, CineMo, at TV5. Mapapanood din ito sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at The Filipino Channel.

Para sa iba pang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter @JRBcreativeprod at sa Instagram @JRBcreativeproduction. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, and Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom