News Releases

English | Tagalog

Halos 800 na pamilya na nasalanta ng bagyong Karding, nabigyan ng ayuda ng ABS-CBN Foundation

September 30, 2022 AT 11 : 36 PM

After typhoon Karding wreaked havoc in different parts of Luzon, ABS-CBN Foundation quickly responded to residents of barangay San Miguel in Bulacan that experienced catastrophic flooding.

Donation drive, umarangkada na  
 

Matapos ang pananalasa ng bagyong Karding sa Luzon, agad na rumesponde ang ABS-CBN Foundation sa bayan ng San Miguel, Bulacan na isa sa mga lugar na nakaranas ng matinding pagbaha.  

Nakapaghatid ang Foundation ng relief packs sa 775 na pamilya sa Brgy. Batasan Bata sa San Miguel, Bulacan. Kwento ng ilang residente, nagulat sila sa biglang pagragasa ng baha noong tumama ang bagyong Karding. 

“Noong hanggang dibdib na po ‘yung ano [tubig], sabi ko po sa asawa at sa anak ko na iwanan na natin ‘yan [mga gamit]. Mas mahalaga na buhay tayo. Kaya nag-evacuate po kami dito sa center tapos po nagdatingan na ang mga kapitbahay namin,” ani ng barangay health worker volunteer na si Crispina Lapuz sa isang panayam sa “TV Patrol.” 

Nagpasalamat naman ang barangay chairman na si Cris Delos Reyes sa ABS-CBN. “Pambihira itong dinanas namin talaga. Ngayon lang po dumating sa amin ‘yung ganitong kalamidad. Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN dahil sa ibinahagi niyong tulong sa amin. ‘Yan po ay napakalaking bagay para sa aking ka-barangay,” sabi niya. 

Patuloy ang pag-abot ng tulong ng ABS-CBN Foundation sa mga nasalanta ng bagyong Karding. Bukod sa pagkain, kailangan din nila ng tulong sa rehabilitasyon ng mga bahay at pagtaguyod muli ng nasirang kabuhayan. 

Pwedeng magpadala ng donasyon sa awtorisadong bank accounts ng ABS-CBN Foundation, mag-scan to donate gamit ang QR codes, at magpadala ng donasyong pagkain, tubig, kumot, at hygiene kits. Maaari munang tumawag sa ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya Warehouse (Arian Acebedo o Pat Salonga 09695196436) upang magabayan sa pagbigay ng in-kind donations.  

Para sa ibang detalye, i-follow ang ABS-CBN Foundation sa Facebook at Instagram. Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.