News Releases

English | Tagalog

Digitally restored 'Kakabakaba Ka Ba?' palabas na sa Sagip Pelikula Spotlight sa KTX

September 05, 2022 AT 11 : 28 AM

Catch "Kakabakaba Ka Ba?" featuring an exclusive pre-show interview with Raquel Villavicencio now on KTX

Tampok din ang ilan pang mga obra ni Raquel Villavicencio

Mapapanood muli ng mga manonood ngayon ang digitally restored version ng classic Pinoy musical film ng LVN Pictures na "Kakabakaba Ka Ba?" sa panibagong edisyon ng Sagip Pelikula Spotlight sa KTX. 

Sa direksyon ni Mike de Leon at sa panulat niya kasama sina Doy del Mundo at batikang aktres na si Raquel Villavicencio, tampok sa musical-comedy film ang kakaiba at nakaaaliw na kwento ng dalawang magkasintahan na naipit sa gulo ng dalawang naglalakihang sindikato.

Pinagbidahan ito nina Christopher de Leon, Charo Santos, Jay Ilagan, Sandy Andolong, Johnny Delgado, Armida Siguion-Reyna, Leo Martinez, Moody Diaz, Joe Jardi, Tommy Yap, George Javier, Nanette Inventor, Bert Miranda, at APO Hiking Society members na sina Boboy Garrovillo at Danny Javier na may cameo appearance din mula kay Jim Paredes.

Unang ni-restore noong 2015 ng ABS-CBN Film Restoration kaisa ang L'Immagine Ritrovata, mapapanood muli ng madla ang digitally restored musical kasabay ang ilan pang mga pelikula noon ni Raquel Villavicencio bilang pagpupugay sa kanyang mga kontribusyon sa industriya.

Aniya sa kanyang pre-show interview kasama si Film Restoration head Leo Katigbak, nanawagan siya sa publiko na patuloy na suportahan ang Sagip Pelikula sa adhikain nitong bigyang-buhay muli ang mga natatanging pelikulang Pilipino para sa mga susunod na henerasyon ng manonood.

Mapapanood na ang "Kakabakaba Ka Ba?" sa bagong edisyon ng Sagip Pelikula Spotlight sa KTX sa halagang P150 kada tiket. Para makakuha ng online pass, bisitahin lang ang https://bit.ly/KKBKBonKTX.

Maliban pa rito, palabas din sa KTX ang ilan pang obrang kinabibilangan ni Raquel Villavicencio, tulad ng "Himala," "Saan Ka Man Naroroon," "Hihintayin Kita Sa Langit," "Ikaw Pa Lang Ang Minahal." "Separada," at "Sukob."

Ipinagdiriwang ng Sagip Pelikula ang ika-11 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).