Widely regarded as one of the greatest cinematographers in the country, Romy is known for his impeccable visual prowess brought about by his vast experience in still photography
Tampok ang digitally-restored version ng 'Mga Bilanggong Birhen'
Ibinibida ngayon ng Sagip Pelikula ang premyadong cinematographer na si Romeo "Romy" Vitug at ang kanyang mga naging kontribusyon sa pelikulang Pilipino sa bagong edisyon ng Spotlight series nito, tampok ang streaming ng digitally-restored 1977 classic na "Mga Bilanggong Birhen" sa KTX.
Ipinalabas muli ang digitally-restored at remastered version ng isa sa mga una niyang cinematography works na "Mga Bilanggong Birhen," na pinagbidahan nina Alma Moreno, Trixia Gomez, Armida Siguion-Reyna, Rez Cortez, Ronnie Lazaro, Monang Carvajal, Leroy Salvador, at Mario Montenegro.
Sa direksyon nina Mario O'Hara at Romy Suzara, iikot ang istorya nito sa pag-aklas muli ng kilusang Pulajanes kontra sa mapang-alipustang mayayaman sa kasagsagan ng rehimen ng Amerika noong dekada '20. Sa gitna ng madudugong bakbakan, away-politikal, at pinagbabawal na pag-ibig, magiging bihag ng kanilang sariling pamilya ang magkapatid na sina Cecilia (Alma) at Milagros (Trixia) matapos dungisan ang kanilang reputasyon.
Tinaguriang isa sa pinakamahusay na cinematographer sa bansa si Romy, na kilala sa kanyang natatanging estilo na hango sa kanyang talento sa still photography para bigyang-buhay ang bawat eksenang tumatak sa mga manonood. Dahil dito, nakatrabaho niya ang ilan sa mga bigating direktor sa industriya, tulad nina Lino Brocka, Mario O'Hara, Laurice Guillen, at Olivia Lamasan.
Matapos ang ilang mga pelikula at teleserye na siya'y napabilang sa loob ng ilang dekada, kinilala ang kanyang husay ng ilang award-giving body sa bansa, kabilang ang ilang lifetime achievement awards mula sa Cinemanila International Filmfest at Gawad Urian, pati ang kanyang hall-of-fame induction mula sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Maliban pa rito, kinikilala rin si Romy bilang isa sa mga taga-suporta ng adhikain ng Sagip Pelikula sa pag-restore ng mga natatanging pelikulang Pilipino. Aniya sa kanyang panayam kasama ang ABS-CBN Film Restoration head na si Leo Katigbak, labis niyang ikinatutuwa ang proseso sa likod ng pagpapahalaga sa ilang Pinoy classics at kung paano nito binubuhay ang kanyang mga kontribusyon sa industriya.
Pakatutukan ngayon ang digitally-restored "Mga Bilanggong Birhen," na may kasamang pre-show interview tampok si Romy Vitug, sa KTX.ph. Mabibili na ang mga ticket nito sa https://bit.ly/MBBonKTX sa halagang P150.
Maliban dito, ipapalabas din sa KTX mula Enero 27–31 ang ilan pa sa mga obra noon ni Romy, kabilang ang "Sa Aking Mga Kamay" at "Ooops Teka Lang… Diskarte Ko 'To!"
Mapapanood din hanggang sa katapusan ng buwan ang digitally-restored version ng iba pang cinematography works ni Romy sa mga pelikulang "Haplos," "Kung Mawawala Ka Pa," "Sana Maulit Muli," "Ikaw Pa Lang ang Minahal," at iba pa.
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).