Kinasabikan at pinag-usapan ng netizens ang naging pasabog na opening number na hinanda ng pamilya ng "It's Showtime" sa pamumuno ni Vice Ganda sa kanilang pagbabalik kaya naman nanguna ito sa Twitter ngayong araw.
Puno ng energy nga ang bungad nina Anne Curtis, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Amy Perez, Karylle, Ion Perez, Ryan Bang, Teddy Corpuz, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez na ikinasaya namadlang people.
Nagpasalamat din ang hosts sa bumubuo ng "It's Your Lucky Day" sa paghahatid nito ng ligaya sa viewers sa nakalipas na 12 araw. Agad din naman ibinahagi ni Vice na ginamit nila ang kanilang pahinga para paghandaan ang nalalapit na "Magpasikat" at ang sopresa nila sa kanilang ika-14 anibersaryo.
Bukod naman sa kanilang opening number, kinoronahan din noong Sabado (Oktubre 28) ang bagong "Mini Ms. U" grand winner na si Arianah Lasam ang matapos niyang pukawin ang loob ng hurado sa taglay nitong kumpiyansa sa sarili at nag-uumapaw na cuteness sa Mini Ms. U:The Cutest Finale.
Nakuha nga niya ang pinakamataas na total average score mula sa hurados na sina Nino Muhlach, Janice de Belen, Gladys Reyes, Snooky Serna, at Maricel Soriano.
Bilang grand champion, nag-uwi si Arianah ng P300,000, isang exclusive management contract mula sa Polaris ng Star Magic, at trip for four sa Hong Kong Disneyland, three days at 2 nights, kasama ang accomodation at airfare.
Nagbigay din ng special awards ang naturang segment kabilang ang Mini Ms. Talent at Mini Ms. Cutieful Smile para kay Enicka, at Mini Ms. Friendship para kay Eury.
Ang iba namang finalists na nakaabot sa Top 13 ng kompetisyon ay sina Audrei, Jewel, Alycia, Scarlet, Oliviann,Grandice, Reign, Quinn, Rain, at Briseis.
Samantala, inanunsyo rin ng "It's Showtime" na mapapanood na sila sa panibagong timeslot simula Lunes, 11:30 AM. Dapat din abangan ng mga manonood ang bagong segment ng show na "Dance Wars," kung saan maglalaban-laban ang iba't ibang grupo at ipapamalas ang galing sa pagsasayaw.
Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 11:30 AM mula Lunes hanggang Biyernes, at 12 NN tuwing Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang "Showtime Online U" sa YouTube channel ng "It's Showtime."
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin angwww.abs-cbn.com/newsroom.