News Releases

English | Tagalog

"Batang Quiapo," "Can't Buy Me Love," "Senior High," "It's Showtime," at iba pa mapapanood na sa Canada

December 01, 2023 AT 02 : 34 PM

Available nang on-demand sa ABS-CBN Entertainment YouTube

Napapanood na ng mga Pilipino sa Canada ang ilang mga programa ng ABS-CBN, ang nangungunang content provider ng bansa, kung saan available ang mga ito nang on-demand sa YouTube simula Disyembre 1. 

Pwede nang magcatch-up ang mga Pinoy sa Canada sa pinakahuling episodes ng mga paboritong Kapamilya teleserye sa pamamagitan ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel kung saan available ang pinakabagong episodes isang linggo pagkatapos itong ipalabas sa Pilipinas.

Ma-eenjoy dito ang mga primetime show na “FPJ’s Batang Quiapo” ni Coco Martin, “Can’t Buy Me Love” nina Donny Pangilinan at Belle Mariano, at “Senior High” ni Andrea Brillantes. 

Tuloy-tuloy naman ang kulitan at good vibes ng madlang people kapag pinanood ang “It’s Showtime.” Sigurado namang paiinitin ang mga emosyon ng mga manonood sa mga pasabog na rebelasyon sa mga pang-hapong seryeng “Pira-Pirasong Paraiso” at “Nag-Aapoy Na Damdamin.”

Pwede na ring makibirit at makisaya kapag sinubaybayan ang musical game shows na “Everybody, Sing!” kasama si Vice Ganda at “I Can See Your Voice” kasama si Luis Manzano. Sa mga nais namang kumuha ng inspirasyon at sari-saring chikahan, samahan sina momshies Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Regine Velasquez sa lifestyle talk show na “Magandang Buhay.”

Nauna nang naging available worldwide nang on-demand sa YouTube ang primetime teleseryeng “Senior High” bilang parte ng layunin ng ABS-CBN na maghatid ng saya at inspirasyon sa mga Kapamilya sa iba’t ibang parte ng mundo. 

Maging parte ng online pamilya ng ABS-CBN sa pag-subscribe sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.