News Releases

English | Tagalog

Coco at cast ng "FPJ's Batang Quiapo" dinagsa sa Quiapo; pilot episode naka-341K live concurrent views

February 15, 2023 AT 12 : 52 PM

Coco Martin returned to television with a bang as “FPJ’s Batang Quiapo” jumped to the number one spot of trending topics on Twitter and earned 341,509 live concurrent views on Kapamilya Online Live on YouTube

Pilot episode numero unong trending topic sa Twitter

Mainit ang pagtanggap ng viewers sa pagbabalik-serye ng Hari ng Primetime na si Coco Martin matapos dumagsa ang fans sa Plaza Miranda para sa live public viewing ng "FPJ's Batang Quiapo" at nakakuha rin ang pilot episode nito ng 341,509 live concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube noong Lunes (Pebrero 13).

Nakasama ng fans sa libreng public viewing si Coco at ang ilang cast members ng "Batang Quiapo" tulad nina Cherry Pie Picache, McCoy de Leon, Miles Ocampo, Sen. Lito Lapid, at Christopher de Leon, kung saan sabay-sabay nilang pinanood ang maakysong pilot episode na umabot ng halos isang oras.

Taos-pusong nagpasalamat si Coco sa walang sawang suporta na ibinibigay ng mga manonood at sabi niyang, “Nakakatuwa kasi na-appreciate nila ‘yung pinaghirapan namin. Kasi talagang dugo at pawis ang pinagpuhunan namin para mapaganda namin ‘yung palabas ngayon. Susulitin namin ‘yung pagmamahal na ibinibigay nila sa amin.”

Top trending topic din sa Twitter sa Pilipinas ang official hashtag na #FPJsBatangQuiapoDay na nakakuha ng higit 22,000 tweets, habang trending din si Coco, "Primetime King Is Back,” at “Plaza Miranda.” Nakasama naman si Miles sa worldwide trending list para sa nakakaantig niyang pagganap bilang isang babaeng biktima ng rape. 

Bago pa man ang pagtitipon sa Plaza Miranda, una nang nag-ikot sina Coco at ang co-stars niya tulad nina Lovi Poe, John Estrada, Cherry Pie, at McCoy, para sa grand parade noong Pebrero 9. Nilibot nila ang Baclaran, Luneta, Quiapo, at Tondo at nagtagal ito ng halos apat na oras.

Dinumog din ang cast ng “Batang Quiapo” sa mall show nila sa Cebu noong Pebrero 11 kung saan napanood ng fans ang iba’t ibang special performances. 

Napanood sa pilot episode ng "FPJ's Batang Quiapo" ang umaatikabong sagupaan matapos mabigo ang pagnanakaw ni Ramon (Coco). Dahil dito, naging desperado si Ramon na manatili ang linya ng kanyang pamilya kaya ginahasa niya si Marites (Miles), isang inosenteng babae na hindi niya kaano-ano. Sa pagsilang ni Marites ng kanyang anak, makikilala na ng viewers ang astig na karakter ni Tanggol (Coco).

Huwag palampasin ang maaksyong pagbabalik ni Coco sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.