News Releases

English | Tagalog

Vice Ganda pumirma ng kontrata sa ABS-CBN, nagdiwang ng tagumpay sa MMFF

February 16, 2023 AT 11 : 31 AM

Patuloy ang Unkabogable Phenomenal Star sa kanyang Kapamilya journey

 

Muling pinatunayan ni Unkabogable Star Vice Ganda ang kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa ABS-CBN nang opisyal niyang ni-renew ang kanyang kontrata sa kumpanyang tinawag niyang tahanan sa The Unkabogable Day noong Miyerkules (Pebrero 15).

Bukod sa contract signing, nagpasalamat si Vice sa Madlang Pipol para sa tagumpay ng kanyang pelikulang “Partners In Crime.” Nagsilbi itong comeback niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at naitala rin bilang isa sa mga nangungunang pelikula sa MMFF noong nakaraang taon.

Sa kanyang contract signing, binalikan ni Vice ang dekadang karera sa industriya. “The journey has been quite long na rin. There were difficult times, but there were a lot of fun times. It was colorful pero kung susumahin mo, it’s a winning journey,” sabi niya.

Ilang Kapamilya artists, katrabaho, kaibigan, at mahal sa buhay ang nagbigay din ng kanilang taos-pusong pagpupugay para sa Unkabogable Star.

“Thank you for your Unkabogable loyalty and love for ABS-CBN and for all of us. With or without a contract, you stood by us even in our most difficult times. Binigyan mo ng lakas ang lahat ng ating mga Kapamilya sa gitna ng lahat ng ating pagsubok,” pahayag ni ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes.

Nagpasalamat si Vice sa mga ABS-CBN executives. “Maraming maraming salamat po sa patuloy na pagtitiwala, pagbibigay ng trabaho, oportunidad, pagkakataon… I am so grateful,” sabi niya.

Nagpahayag din siya ng kanyang katapatan para sa ABS-CBN. “Nakapirma na talaga 'yung puso ko rito. 'Yung paa ko nakabaon na dito sa bahay na ‘to. Ayoko na lumabas… I’d rather be here inside my home. Ito ang pinakaligtas na lugar para sa akin,” pagbabahagi ni Vice.

Kabilang sa mga executive ng ABS-CBN na dumalo ay sina chairman Mark Lopez, ABS-CBN COO of Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN Group CFO Rick Tan, Star Magic and Entertainment Production head Laurenti Dyogi, at ABS-CBN head of Non-scripted Format na si Louie Andrada.

Sumikat si Vice Ganda sa noontime variety show na “It’s Showtime” at nakagawa ng maraming box office hits. Nakatanggap na rin si Vice ng iba't ibang parangal bilang Kapamilya star. Noong 2021, pinangalanan siya bilang Best Entertainment Program Host sa Asian Academy Creative Awards at Most Trusted Entertainment/Variety Presenter sa Reader's Digest Trusted Brands Awards.

Kamakailan lang, nanalo si Vice bilang Most Outstanding Twitter Influencer, Most Outstanding Social Media Personality, Most Influential Multimedia Filipino Celebrity, at Most Outstanding Entertainment Show Host sa 5th Gawad Lasallianeta. Nanalo rin si Vice bilang Best Variety Show Host sa 2023 Platinum Stallion National Media Awards ng Trinity University of Asia.

Para sa iba pang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.