Roselle Nava at anak na si Rafa, bumirit ng “Bakit Nga Ba Mahal Kita” noong Linggo
Lalong naging kapanapanabik ang Sabado at Linggo dahil umarangkada na ang bagong season ng “The Voice Kids,” kung saan nakakuha ito ng higit sa 301,734 combined peak concurrent views at dalawang gabing (Pebrero 25 at 26) nanguna sa trending topics ng Twitter.
Sinorpresa ng beteranang singer na si Roselle Nava ang mga coach at manonood nang lumabas siya sa stage upang suportahan ang kanyang anak na si Rafa Tan. Napahanga rin ang mga manonood ng awitin ni Roselle at Rafa ang pinasikat niyang kanta na “Bakit Nga Ba Mahal Kita,” na siya ring ginamit ng anak para sa blind audition.
Pasok si Rafa (10 y.o.), na nagmula sa Parañaque, sa team ni Martin Nievera na “MarTeam” kasama sina Patricia Delos Santos (12 y.o.) mula sa Bulacan, at Fabio Santos (6 y.o.) mula sa Quezon City.
Sinimulan din ni KZ Tandingan na punuin ang kanyang "Team Supreme" kasama sina Summer Pulido (8 y.o.) mula sa Pangasinan, Renzo Niez (11 y.o.) mula sa Aurora, at Aera Castro (11 y.o.) mula sa Laguna.
Samantala, sina John Matthew Bendoy (11 y.o.) mula sa Bulacan, Tin-Tin Marty (12 y.o.) mula sa Zambales, at Chloe Cañega (8 y.o.) mula sa Nueva Ecija ang mga bumuo sa koponan ni Bamboo na “Kamp Kawayan.”
Pinahanga nina Tin-Tin at Patricia ang mga coach sa kanilang blind auditions, kung saan pareho silang nakakuha ng three-chair turn, nang kantahin nila ang kani-kanilang bersyon ng "Isa Pang Araw" at "Isang Linggong Pag-ibig.”
Pinuri ng mga netizen ang mga hurado at ang palabas sa unang weekend run nito.
“Lalong gumanda kasi ‘yung mga pumalit na judges, Martin and KZ ay magagaling din at makukulit, lalo na si Martin. Swak na swak ‘yung tatlong judges. At ang mga bata, may kanya-kanyang istorya. Sobrang nakaka-touch, nakakaiyak. May aabangan na naman kami tuwing Sabado at Linggo ng gabi. Kudos, ABS-CBN,” ani Marilyn Manicar-Tamayo sa Facebook.
Abangan ang iba pang performances sa “The Voice Kids” tuwing weekend sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC tuwing 7 pm at sa TV5 (tuwing Sabado 7 pm, tuwing Linggo at 9 pm). Mag-subscribe rin sa YouTube channel ng “The Voice Kids Philippines” para sa updates.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.